Mga opisyal na kalaban sa pulitika ng kapamilya ni ES Bersamin sinuspinde ng Palasyo

1/14/25, 7:21 AM
Dalawang katunggali sa pulitika ng pamilya ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang sinuspinde ng Malacañang ng 18 buwan dahil umano sa “administrative blunders.”
Bukod kina Abra Gov. Dominic Valera at kanyang anak na si Vice Gov. Mary Jocelyn Valera-Bernos, sinuspinde rin dahil sa pagkakasalang administratibo sina Urdaneta City Mayor Julio Parayno III and Vice Mayor Jimmy Parayno.
Ang mga suspensyon ay iginawad ng Deputy Executive Secretary for Legal Affairs (Desla) ng Office of the President noon pang Miyerkules (Enero 8) bagamat nai-report lamang ito nitong Lunes (Enero 13).
Ayon sa Desla ang mag-inang Valera ay gumawa ng mga pagkakamali sa pagdesisyon nila sa paghalili sa isang miyembro ng Sangguniang Barangay sa munisipyo ng Bucay na namatay noon 2023.
Ang dalawa ay napatunayang nagkasala ng administratibo sa pamamagitan ng grave misconduct, abuse of authority at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Hindi umano sumunod ang mag-ina sa itinatadhana Local Government Code tungkol sa paghirang ng kapalit ng isang yumaong opisyal.
Sila ay inireklamo ni Febes Alzate Palcon, asawa ng yumao nang si SB member Juan Palcon.
Dahil sa 18 buwan na suspensyon, inaasahang mananatiling wala sa puwesto ang mga nahalal na opisyal ng Abra sa panahon ng kampanyahan at eleksyon para sa mid-term election sa Mayo.
Samantala, sina Parayno ay sinuspinde ng tig-anim na buwan sa bawat pagkakasala ng grave misconduct at grave abuse of authority. Aabot sa isang taon mawawala sa puwesto ang dalawa, sakaling hindi na sila manalo sa darating na halalan.
Ang kaso ng dalawa ay nag-ugat sa administrative complaint ng Liga ng mga Barangay president Michael Brian Perez noong 2022.
Sa kanyang reklamo, inakusahan ni Perez si Mayor Parayno dahil sa pagpataw ng indefinite suspension sa kanya matapos na 33 sa 34 punong barangay ng siyudad ang pumirma ng manipesto upang tanggalin siya sa pagka-kapitan.
Ngunit, ayon sa opinyon ni Liga national president Eden Pineda ang pagsibak kay Perez ay “substantially and procedurally erroneous” kung kaya’t ito ay dapat ideklarang null and void.
Noong Setyembre 2, 2022, sumulat ang DILG kay Mayor Parayno upang payuhan siya na mali ang pagkakasuspinde kay Perez sapagkat hindi wasto ang naging dahilan sa desisyon na ito.
Noong Setyembre 8, sinunod ng alkalde ang sinabi ng DILG at binawi nito ang suspension ni Perez.
Subalit, hindi naman kinilala ni Vice Mayor Parayno ang direktiba ng alkalde. Hindi nito pinapasok sa sesyong ng konseho si Perez noong Oktubre 5, 2022.
Nadikubre rin ni Perez na pinalitan na siya bilang pangulo ng LIga at bilang ex-officio member ng Sangguniang Lungsod.
Ayon sa OP walang basehang legal o factual ang desisyon ng alkalde at bise alkalde upang suspindehin si Perez.
