Mga Cebu City folk may pangamba sa agawan ng puwesto ng dalawang ‘mayor’

12/4/24, 10:41 AM
Pinangangambahang lumala ang agawan sa puwesto sina Cebu City Mayor Raymond Garcia at si dating Mayor Michael Rama na patuloy na ipinipilit na siya pa rin ang alkaldeng inihalala sa nasabing puwesto.
Sa flag raising ceremony sa city hall noong Lunes, pareng humarap sa mga empleyado at publiko sina Garcia at Rama at ito ay nagdulot ng tensyon sa mga dumalo.
Humalili si Garcia sa pagka-punong ehekutibo ng siyudad matapos na magdesisyon ang Ombudsman na diskwalipikahin si Rama sa pag-upo sa anumang posisyon sa gobyerno.
Napatunayan nagkasala si Rama sa administrative offense na nepotism nang kanyang ilagay sa puwesto ang dalawang kapatid ng asawa.
Ngunit pilit na sinasabi ni Rama na siya pa rin ang mayor ng Cebu City.
Upang patunayan ito, tumayo si Rama sa tabi ni Garcia nang pangunahan ng huli ang flag ceremony.
Patuloy na inaapela ni Rama ang naging desisyon ng Ombudsman laban sa kanya at naniniwala ito na susuportahan ng Korte Suprema ang kanyang petisyon na bale-walain ang direktiba ng anti-graft prosecutor.
Ayon sa kampo ng dating mayor, ang desisyon ng Ombudsman ay puno ng mga “procedfural irregularities, kasama na dito ang hindi pagbibigay sa kanya ng formal notice.
“I am not the former mayor, I am the elected mayor,” idineklara ni Rama sa isang press conference noong Lunes.
Halata naman nagpasensya na lamang si Garcia at umiwas uminit pa ang sitwasyon.
“It is business as usual here in the City of Cebu. It did not cause any interruption, it could have been a different story if he insistedf. Pero wala man,” ayon kay Garcia..
Ipinaliwanag niya na malugod na tinatanggap si Rama bilang bisita sa city hall at ito ang kanyang estado nang dumalo ang dating mayor sa flag ceremony.
