Maximum SRP sa presyo ng karneng baboy itatakda sa Marso

2/18/25, 7:22 AM
Matapos magtakda ng maximum suggested retail price (MSRP) para sa imported na bigas, nakatakdang ipatupad ng Department of Agriculture (DA) ang maximum SRP para sa karneng baboy pagsapit ng Marso dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo nito.
Batay sa monitoring ng DA, ang retail price ng pork shoulder ay nasa pagitan ng P350 at P420 kada kilo, habang ang pork belly ay nasa P380 hanggang P480 kada kilo.
Sa isang briefing nitong Lunes, sinabi ni Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na matatapos ngayong linggo ang konsultasyon sa mga stakeholder upang maipatupad ang maximum SRP sa susunod na buwan.
Hindi pa inaanunsyo ang eksaktong presyo para sa MSRP, ngunit naunang ipahiwatig ng mga opisyal na ito ay magiging mas mababa sa P400.
Sinabi rin ni de Mesa na natalakay na ang MSRP para sa baboy kay Pangulong Bongbong Marcos Jr.
"Kung farmgate mo P250, so yung nababanggit nga ng P100 to P100 plus na profit margin. So P380 is reasonable. Sinabi na naman ni Secretary, anything above P400 is medyo sobra," anang opisyal.
Magugunitang una ng nagpatupad ang DA ng maximum SRP na P52 kada kilo para sa imported rice.
Samantala, inanunsyo rin ni De Mesa na nagsimula nang dumating sa bansa ang mga imported na sibuyas.
Dahil dito, inaasahang patuloy na bababa ang presyo nito matapos umabot sa P250 kada kilo noong nakaraang linggo.
