top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

Lifeline ni Isko: ₱32.3-M para sa Liver Transplant ng 20 Manilenyo

3/9/26, 8:33 AM

Ni Tracy Cabrera

MAYNILA — Ibang antas ng pangangalaga ang ipinakita ni Manila mayor Francisco 'Isko Moreno' Domagoso sa pag-apruba ng mahigit ₱32.26 milyong ayuda para sa 20 pasyenteng kailangang sumailalim sa liver transplant sa bansang India.

Tutungo ang mapapalad na pasyente, na ang mahigit sa kalahati'y mga kabataan,
sa Indraprastha Apollo Hospital at Max Healthcare sa New Delhi na kung saan isasagawa ang kanilang operasyon.

Ayon kay Mayor Domagoso, kinikilala ng pamahalaang lungsod at ng kanyang administrasyon ang paghihirap na dinaranas ng mahihirap na pamilyang nahaharap sa kakulangan ng pagtustos sa kanilang mga pangangailangan sa kalusugan, tulad ng mahalagang operasyong makakasagip ng buhay.

Aniya, “Ang inyong mahabang paglalakbay ay magiging maikli ng ngayon and hopefully, igigiya kayo ng Diyos at mapapangalagaan n'yo ang inyong mga anak upang laging maging malusog at ligtas.”

Sa isang pakikipagpulong sa ilang mga magulang, pinunto ng alkalde na hindi sila mabibigo sa inaasahan tulong mula sa gobyerno: “Nagmumula ang financial assistance sa ating mga taxpayer sa lungsod, na sumasalamin sa prayoridad nating maitaguyod mabuti ang ating mga healthcare program na sumsagip ng buhay.”

Idiniin pa ni Domagoso na nananatiling ang kanyang commitment na maglaan ng milyon-milyong para sa pagsagip at kaligtasan ng buhay.

“It’s from the taxpayers of the City of Manila. Hindi ako magdadalawang-isip gumastos ng milyon, mabuhay lang ang isang tao. Iyong pera mawawala, kikitain ulit. Pero iyong buhay, walang kapalit,” kanyang pinunto.
Simula nang makabalik bilang alkalde ng kabisera ng bansa, agad na pinagtibay at pinalawig pa ni Domagoso ang Kaagapay Program ng lungsod at sa ngayon ay mahigit ₱96 milyon ang alokasyon dito para sa mga kritikal na kasong medikal, kabilang na ang mga liver transplant, heart surgery at cochlear implant.

May ilang ospital sa India ang nagpabayag ng pagtitiwala sa commitment ng Maynila na mabayaran ang mahahalagang operasyon kaya pinayagang matanggap ang mga pasyente na mayroong financial guarantee.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page