Lacuna, Isko at Verzosa, kasama sa 100 kandidatong may Comelec show cause orders

4/26/25, 9:12 AM
Nagpalabas nitong Biyernes (Abril 25) ng mahigit sa 100 show cause orders ang Commission on Elections para sa mga kandidatong inaakusahan ng vote buying at abuse of state resources (ASR).
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia karamihan sa mga kandidatong nakatanggap ng SCO’s ay agarang pinagpapaliwanag ukol sa mga kaso ng vote buying, paggamit ng malaswang pananalita at ASR.
Ang mga kampo ng tatlong kandidato para sa pagka-alkalde ng Maynila - sina Mayor Honey Lacuna, dating Mayor Isko Moreno Domagoso at Samuel Verzosa Jr. - ay nagpalitan ng mga akusasyon sa harap ng Comelec.
Bawat isa ay inutusang magbigay ng paliwanag kung bakit hindi sila dapat tanggalin sa listahan ng mga kandidato dahil sa mga akusasyon.
Si Las Piñas Rep. Camille Villar na tumatakbo bilang senador ay nakatanggap din ng SCO dahil sa ipinagbabawal na paraan ng pangangampanya.
Dokumentado ng mga video at litrato ang mga banner at poster ni Villar sa mga aktibidad na nagpapamigay ng mga premyong may mga litrato niya.
Kasama rin sina Marikina Rep. Stella Quimbo ay nahaharap sa reklamong vote-buyhing at ASR. Si Quimbo ay lumalaban sa pagka-alkalde ng lungsod.
SCO rin ang pinadala sa kanyang asawang si dating Rep. Romero Quimbo na nagnanais makabalik sa puwestong babakantehin ng kanyang maybahay.
Bawat kandidatong nabigyan ng SCO ay dapat magpaliwanag sa loob ng tatlong araw pagkaraang matanggap ang mga direktiba ng Comelec.
Nagbabala si Garcia na suspendihin ang proklamasyon ng mga kandidatong mananalo sakaling may mga pending disqualificaiton cases sila pagkaraan ng halalan sa Mayo 12.
