KALAHATI LANG ANG MGA NAKUMPIRMANG LUMABAG SA NCAP
%20(14).jpeg)
6/10/25, 5:20 AM
Ni Tracy Cabrera
PASIG CITY, Metro Manila — Sa naitalang record violation na 8,568 sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), wala pa sa kalahati o 4,100 lamang ang kinumpirmang lumabag makaraang isagawa ang manual review ng mga ito.
Simula nang ibalik ang nasabing programa, maraming mga motorists ang nagpahayag ng agam-agam dahil may kaba silang baka maitala silang lumabag sa batas trapiko kahit hindi tunay na nagkaroon sila ng violation o dili kaya'y may pagdududa sa pagkakahuli sa kanila sa closed circuit television (CCTV).
Kaugnay ng bilang ng mga violator batay sa NCAP, nilinaw ni MMDA chairman Atty. Romando 'Don' Artes na lahat ng mga paglabag na na-capture o nakunan ng video ng kanilang AI-powered system ay palagiang daraan sa manual review process upang matiyak ang accuracy bago sila magpadala ng mga notipikasyon o paunawa.
Pinunto ni Artes: "Not all detected violations result in penalties, as the MMDA provides motorists with reasonable leeway when (we) assess infractions."
Ibinalik lang nitong nakaraang Mayo 26, 2025, mini-monitor ng NCAP ang mga pangunahing lansangan sa Kalakhang Maynila gamit ang mga CCTV camera upang i-record ang iba't ibang mga traffic violation. Sa halip na sitahin ng mga traffic enforcer, tatanggap ang sinumang motorista ng notipikasyon ng kanyang violation sa pamamagitan ng koreo.
Maaaring ayusin o bayaran ng lumabag na motorista ang kanilang multa sa pamamagitan ng Landbank Link.BizPortal o in person mismo sa MMDA head office sa Pasig City.
Maaaring magresulta naman ang hindi pagbabayad ng multa na mapabilang ang license plate ng sasakyan sa alarm list ng Land Transportation Office (LTO), na magiging dahilan din na hindi marehistro ang sasakyan sa susunod na registration period. Maaari namang maghain ng apila ukol dito sa Traffic Adjudication Division (TAD) ng MMDA.
Upang maiwasan ang pagmumulta, pinayuhan ni Atty. Artes ang mga motorista na maging mapagmatiyag sa mga road sign sa kalsada at magmaneho ng may pagiingat at responsabilidad.
