Kakulangan na 165,000 silid-aralan, mapupunan lamang matapos ang 55 taon- Angara

6/14/25, 6:21 AM
Aabot sa 55 taon ang bibilangin upang mapunan ang tinatayang 165,000 na kakulangan ng mga silid aralan sa bansa, ayon kay Education Secretary Edgardo “Sonny” Angara.
Sa isang interview nitong Biyernes (Hunyo 13), naglabas ng pagkabahala si Angara na dahil sa maliit lamang na pondo na inilalaan para sa pagtayo ng mga classrooms, aabutin ng limang dekada bago tuluyan nang mawala ang problemang ito sa edukasyon.
“Sa ganitong budget, aabutin tayo ng 55 taon bago natin matapos ang kakulangan sa mga silid-aralan,” paliwanag ng dating mambabatas.
Idinagdag pa niya na may plano ang pamahalaan na makipag-ugnayan sa pribadong sektor upang mabigyan ng pansalamantalang solusyon ang problema.
“Ang modelo ay ‘build now, lease to government’,” ayon kay Angara.
Sa iskemang ito, mamumuhunan at magtatayo ang pribadong sektor ng mga silid-=aralan na babayaran naman ng gobyerno ng hulugan sa loob ng sampung taon.
Nilinaw ng Cabinet official na walang babayaran ang mga magulang o estudyante sa planong programa.
“Gobyerno ang magbabayad ng lease, hind ang mga magulang,” diin niya.
Sakaling matuloy ito, inaaasahang 10,000 silid-aralang ang maipapatayo sa ganitong public-private partnership (PPP).
