Kababata suspek sa pagpaslang kay SEA Games medalist Mervin Guarte

1/9/25, 7:37 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro - Kababata umano ni SEA Games gold medalist Mervin Guarte ang sumaksak at nakapatay sa atleta noong Linggo (Enero 5) sa Sitio Pinagkaisahan, Calapan City.
Mariing kinondena ng local sports community ang pagpaslang kay Guarte na isang obstacle course racing champion ng bansa at ng Southeast Asia.
“He’s a big loss to Philippine sports, particularly to obstacle course racing and athletics. I am hoping that the crime will be solved soon,” pahayag ni Tagaytay City Mayor Abraham “Bambol” Tolentino, pangulo ng Philippine Olympic Committee.
Isang kababata ng biktima ang itinuturo ng mga imbestigador na person of interest sa krimen.
Sa CCTV footage, nakita ang isang lalaki na pumapasok sa eskinita sa Sitio Pinagkaisahan na malapit sa lugar kung saan natutulog si Guarte noong Linggo ng umaga. Maya-maya pa nakita ang lalaki habang naglalakad palayo sa lugar ng krimen.
Kinilala ng mga taga-Sitio Pinagkaisahan ang nasabing lalaki bilang kababata ng biktima.
Matagal na umanong may kinikimkim na sama ng loob ang nasabing suspect kay Guarte.
Ayon kay Calapan City chief of police Lt. Col. Roden Fulache ang suspek ay hindi pa matagpuan bagamat malawakan ang ginagawang paghahanap ng kapulisan.
Nakitulog si Guarte sa bahay ng isang kaibigan matapos na makipag-inuman sa mga kaibigan noong Sabado ng gabi. Siya ay sinaksak kinaumagahan ng Linggo.
Ang patalim na ginamit ay natagpuan ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen.
Inaasahan sasampahan ng kasong murder ang salarin sakaling mahuli siya. Patraydor umano ang ginawang pagpatay kay Duarte na natutulog dahil sa kalasingan noon atakihin ng suspek.
