top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

IIWANG PROBLEMA NG OUTGOING MAYOR
Gabundok na basura sa Maynila

6/28/25, 7:10 AM

Ni Tracy Cabrera

MAYNILA, Pilipinas — Mistulang 'lungsod ng basura' ang kalagayan ngayon ng Maynila sanhi ng tambak na basurang naipon at hindi nakolekta ng kontratistang hindi pa umano nababayaran ng pamahalaang lungsod kaya hibdi nito hinahakot ang mga basura sa maraming lugar sa lungsod.

Bagama’t aminado man si Manila Department of Public Service (DPS) officer-in-charge na si Jonathan Garzo sa kabiguan ng service provider ng Maynila na Metro Waste Solid Management Corporation (WSMC) at Philippine Ecology Systems Corporation (PhilCo) na matugunan ang nilagdaang kontrata na nagkakahalaga NG ₱842.7 milyon, sinabi nito na sinisikap pa rin ng dalawang kompanya na makatulong sa pagtugon sa problema.

Ani Garzo, ang aming mga streetsweeper ay tumutulong na sa paglilinis at maaga pa lamang ay naka-deploy na sila sa mga lansangan.

Bukod dito, nagpasaklolo na rin umano ang lokal na pamahalaan sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang mapabilis ang paghahakot sa napakaraming tambak na basura sa iba't ibang lugar sa lungsod.

Agad namang tumugon ang MMDA sa kahilingan ng LGU at tumutulong na sa kasalukuyan sa pangongolekta ng nagkalat na basura sa mga kalsada.

Nauna nang sinabi ng DPS na hindi nila kayang balikatin ang problema sa basura sa lungsod dahil sa kakulangan ng mga truck na panghakot kaya’t maraming lugar sa Maynila ang naipon at hindi nahahakot ang mga basura.

Dahil fin dito, ilang lugar sa lungsod ang mabilis na bumaha nitong nagdaang mga araw nang bumuhos ang malakas na pag-ulan kung saan naglutangan ang mga basurang hindi nakolekta.

Sa panayam, nababahala na ang ilang mga residente sa lungsod dahil maaaring makapagdulot ng iba’t ibang sakit ang namamahong basura sa kanilang komunidad.

Nag-aalala rin si incoming mayor Francisco 'Isko Moreno' Domagoso sa malaking problema sa basura dahil baka marami ang magkasakit sa kanyang nasasakupan, partikular na sa mga bulnerableng sektor tulad ng mga bata at mga senior citizen.

Panawagan naman ng mga residente kay outgoing Manila mayor Dra. Maria Sheila 'Honey' Lacuna-Pangan na bagama’t ilang araw na lang ang kanyang panunungkulan sa lungsod ay gawan na ng agarang aksyon ang naturang problema.

Si outgoing Manila mayor Dra. 'Honey' Lacuna-Pangan. (Larawan mula sa The POST)

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page