Higit 40 arestado, 140 baril nakumpiska sa Comelec gun ban

1/22/25, 5:51 AM
Tinatayang halos 40 katao ang naaresto habang 140 baril ang nakumpiska kaugnay ng nationwide gun ban isang linggo mula nang ipatupad ito, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sa panayam sa dzBB nitong Linggo, sinabi ni Comelec chairman Atty. George Erwin Garcia na patuloy pa rin ang pagpapatupad ng checkpoints at visual inspections sa iba't ibang bahagi ng bansa upang matiyak na naipatutupad ang gun ban bilang paghahanda sa 2025 midterm elections.
Sa ilalim ng gun ban, na tatagal hanggang Hunyo 11, may kapangyarihan ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpatigil o magbagal ng takbo ng mga sasakyan upang matiyak na walang dalang unauthorized na baril ang mga motorista.
Tanging mga opisyal ng gobyerno na awtomatikong exempted o yaong may permit mula sa Comelec ang pinapayagang magdala ng baril.
Ayon kay Garcia, wala silang natanggap na reklamo na may uniformed personnel na nag-abuso sa mga checkpoint.
"Kahit isang reklamo, wala po tayong narinig na pang-aabuso. Talagang sumusunod po sila sa ating patakaran, lalo na sa plain view doctrine," anang opisyal.
Ang tinutukoy ni Garcia ay ang patakarang visual inspection. Ibig sabihin, bawal buksan ang trunk o glove compartment ng sasakyan at pagpapababa sa mga pasahero.
Sa kabila nito, ilan pa rin ang nahuhuli dahil sa pagdadala ng ipinagbabawal na baril.
Humingi na rin siya ng pang-unawa ng publiko dahil sa isinasagawang checkpoints.
"Konting pasensya po. Alam niyo para sa atin naman po ‘yan at nakikita niyo po na nagiging matiwasay ang buong bansa," ani Garcia.
Kasabay nito, nanawagan siya sa PNP at AFP na patuloy na buwagin ang mga private armed groups.
"Hindi magiging matiwasay ang bansa hanggang nandiyan sila. Sila ang mananakot at gagamitin sa pamimili ng boto upang hindi makaboto nang malaya ang ating mga kababayan,” dagdag niya. "Dapat mawala ang mga iyan sa buong bansa." #
