top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

Guro sa Muntinlupa kinilala ng international literacy group

1/30/25, 5:40 AM

Isang 25-taong-gulang na guro mula sa Lyceum of Alabang sa Muntinlupa ang napabilang sa International Literacy Association (ILA) Global 30 Under 30 list ngayong taon, na kumikilala sa kabataang lider na nagsusulong ng edukasyon at halaga ng pagbabasa.

Si Vincent Julius Buenavidez ang tanging Pilipino at Southeast Asian na napasama sa listahan.

Kwento ni Buenavidez sa Senior Times, bata pa lamang siya ay naunawaan na niya ang halaga ng edukasyon at pagbabasa.

Lalong umigting ang kagustuhan niyang maging accessible ang edukasyon sa mga kabataan nang makapagtapos siya ng Education degree sa Lyceum of Alabang noong 2022, magna cum laude.

"Witnessing students struggle with reading inspired me to create programs that promote literacy as a lifelong skill," saad niya.

Naging aktibo siya sa regular weekend sessions na inorganisa ng Rotaract Club of Young Filipino Educators at Rotary Club of Makati Southwest sa lungsod ng Muntinlupa.

Itinatag din niya ang after-school literacy clubs sa ilang paaralan kung saan nagsasanay ang mga mag-aaral sa pagkukuwento, pagsulat ng malikhaing akda, at talakayan ukol sa mga libro.

"These clubs and organizations aim to nurture a love for reading and critical thinking among students through interactive activities," ani Buenavidez.

Bukod dito, isa rin sa mga inisyatibo ni Buenavidez ay ang pagtatayo ng sustainable farm upang mabigyan ng access sa pananim at sariwang gulay ang mga residente ng kanyang komunidad.

Naglimbag din siya ng isang libro ukol sa National Service Training Program na inilathala ng Mutya Publishing Inc.

Sa ngayon ay kumukuha si Buenavidez ng Master of Arts in Education major in Educational Management sa National Teacher’s College.

"Your passion and commitment to empowering others through education and literacy inspire us all. Keep leading the way for a brighter future, Sir Vincent!" ayon sa isang Facebook post ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa.

Ang iba pang nasa Global 30 Under 30 list ng ILA ngayong taon ay sina Pashtana Durrani ng Afghanistan, Tamara Imali Amatah ng Kenya, Uchenna Maximus Emelife ng Nigeria, at Olha Kravchenko ng Ukraine, Shane Baker ng United States, Muhammad Jahirul Islam ng Bangladesh, Anna Takai ng Japan, at Akarsh Shroff ng India.

"Literacy is more than a skill; it’s a pathway to opportunity, equity and empowerment," ayon kay ILA Executive Director Nicola Wedderburn.

"The young leaders on our 2025 30 Under 30 list exemplify this belief through their groundbreaking work. They are the advocates, educators and innovators redefining what literacy means in an ever-changing world," dagdag niya.

Ang ILA ay isang organisasyon na binubuo ng mga mananaliksik, guro, at literacy experts mula sa 128 bansa upang magtakda ng pamantayan kung paano dapat tukuyin, ituro, at suriin ang literacy at mapabuti ang kalidad nito sa buong mundo. #

Photo courtesy of Vincent Julius Buenavidez

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page