GSIS, San Miguel Foods pinaigting ang livelihood partnership para sa mga gov't employee

3/12/26, 8:30 AM
Ni Tracy Cabrera
GSIS COMPLEX, Lungsod ng Pasay — BAGO pa man tumaas ang inflation sanhi ng kaguluhan sa Gitnang Silangan, nakipagtambalan na ang Government Service Insurance System (GSIS) sa San Miguel Foods (SMF) upang mabigyan ang mga kawani ng gobyerno at kanilang mga pamilya ng bagong oportunidad sa pangkabuhayan at entrepreneurship para maibsan ang kanilang paghihirap sa harap ng pagtaas ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay GSIS president and general manager Jose Arnulfo 'Wick' Veloso, isinulong nila ang partnership sa SMF sa layuning makapagbigay sa kanilang mga miyembro at benepisyaryo at kanilang mga dependent ng access sa training, business readiness support at mga livelihood package na makakatulong sa kanilang makapagsimula ng small o medium enterprise.
Pinaliwanag ni GM Veloso na sa ilalim ng nasabing inisyatibo, makakatanggap ang mga lalahok ng makabuluhang guidance sa mga livelihood at business process tulad ng product handling, basic business operations, customer service at store setup upang matiyak na makakatulong na magkaroon ng mga sustainable income opportunity.
“The initiative supports the institution’s goal of strengthening the financial resilience of government workers,” kanyang tinukoy.
“Ang pakikipag-ugnayan natin sa San Miguel Foods ay nagbibigay ng praktikal na pagkakataon para sa ating mga kasamahan sa gobyerno, lalo na sa kanilang mga pamilya, na maging entrepreneurs at makatulong sa pag-angat ng kabuhayan ng kanilang pamilya,” kanyang idinagdag.
Samantala, bilang bahagi nila sa pakikipagtambalan sa GSIS, nilinaw ng SMF na layunin sa kolaborasyon na mas maging accessible ang entrepreneurship sa mga pamilyang Pilipino.
“This partnership is not simply about offering products or business packages. It is about making entrepreneurship accessible—practical, realistic, and within reach,” pinunto ni SMF president Emmanuel Macalalag.
Kaugnay nito, maaaring magsimula ang mga miyembro ng GSIS sa reselling ng mga produkto sa halagang ₱2,000 pataas o paghahanap ng mas malawak ng mga livelihood option tulad ng mga food cart, food stand at baking program.
Bukod dito, pinaalala ni Veloso ang kanilang mga Ginhawa loan program, kabilang na ang Ginhawa Go micro-lending facility na accessible sa GSIS Touch mobile app ba maaaring sumuporta sa kanilang mga miyelbrong nagnanais na mamuhunan sa nabanggit na mga oportunidad.
