top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

FILM REVIEW: 'Rewind' nagpapaalalang mas pag-ukulan ng panahon ang pamilya

1/7/24, 5:04 AM

Pinilahan ng ating mga kababayan ang pelikulang "Rewind," isa sa mga kalahok sa 2023 Metro Manila Film Festival.

Bagamat walang nakuhang MMFF award, patok sa takilya ang bagong movie nina Dingdong Dantes at Marian Rivera dahil sa tagos sa pusong kwento at mahusay na pagganap ng dalawang aktor.

Simple lang kung tutuusin ang kwento nito. Nakasentro ito kay John (Dingdong), isang asawa at ama na bihirang maglaan ng oras para sa kanyang pamilya dahil sa kanyang trabaho at inaasam na promosyon. Isang linggo bago ang kanyang kaarawan, magkakaroon ng isang trahedya na kikitil sa buhay ng kanyang misis na si Mary (Marian). Habang nagluluksa, makikilala ni John si "Lods" na magbibigay sa kanya ng pagkakataong baguhin ang mga pangyayari bago ang trahedya.

Sapul ang aktingan ng DongYan sa buong dalawang oras na pelikula. Kayang-kaya nilang magpakilig at magpaluha lalo na sa mga mabibigat na eksena. Di nga makapagpigil sa pag-iyak ang mga kasama kong nanood ng palabas sa SM Muntinlupa nitong Sabado ng gabi, lalo na climax nito, kung saan "Sa Susunod na Habang-Buhay" ng Ben&Ben ang inilapat na musika.

Napag-uusapan na rin naman ang tugtog, on-point ang scoring sa buong dalawang-oras na pelikula. Nakatulong ito sa pagbibigay-diin sa emosyon ng mga eksena.

Swak din ang pagganap ni Pepe Herrera bilang Lods. Kakatwa ang kanyang mga hirit sa ibang bahagi, ngunit may aral ang ilan sa mga ito. Binigyang-buhay niya ang karakter na makapagpapabago kay John.

Sa panulat ni Enrico Santos at direksyon ni Mae Cruz-Alviar, nailatag nang maayos sa dalawang oras na pelikula ang kwento pati na ang mga aral nito. Mayroon ding mga simbolismo na makatutulong upang bigyang-kahulugan ang mga eksena. Sa mga pagkakataong alam mo na ang susunod na mangyayari, gugulatin ka ng pelikula, lalo na sa katapusan nito.

Sa huli, ipapaalala nitong sa mabilis nating mundo, limitado lang ang ating oras kaya marapat na ilaan ito sa mga tunay na mahalaga, tulad ng ating pamilya

Photo from ent.abs-cbn.com

Comments

Del dine tankerVær den første til at skrive en kommentar.
bottom of page