top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

FILM REVIEW: 'Firefly' isang makabagbag-pusong kwento ng pag-ibig at paghilom

12/29/23, 8:50 AM

Kumpleto-rekado ang pelikulang "Firefly" ng GMA Pictures at GMA Public Affairs na itinanghal na Best Picture sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon. May sangkap ito ng mahika, pakikipagsapalaran, at pag-ibig kaya nararapat panoorin ng pamilyang Pilipino ngayong Pasko.

Iikot ang kwento nito sa isang batang lalaki na buong-tapang na hahanapin ng ang isla ng mga alitaptap upang matupad ang pangako niya sa kanyang ina. Simple lang ang kwento kung tutuusin, pero pihadong kukurot sa puso at kapupulutan ng aral ng mga bata at, ehem, nakatatanda.

Sa pelikulang Firefly, naniniwala ang batang bida na si Tonton (ginagampanan ni Euwell Mikael) na matutupad ang kanyang hiling kung matatagpuan niya ang isla ng mga alitaptap. Ang siste, lagi itong naikukuwento sa kanya ng kanyang inang si Elay (Alessanda de Rossi) sa tuwing natatakot siya.

Matapos ang isang trahedya, susubukan ni Tonton na hanapin ang isla sa Ticao, Bicol. Sa kanyang paglalakbay, makikilala niya ang apat na iba pa na tutulungan siyang marating ang lugar (Epy Quizon, Miguel Tanfelix, Isabel Ortega, at Yayo Aguila).

Tagos sa puso ang kwentong isinulat ni Angeli Atienza at idinerehe ni Zig Dulay. Pinapakita ng pelikula ang epekto ng trauma o di magagandang karanasan sa mga bata, lalo na ang pagdudulot nito ng matinding takot o pangamba sa kanila. Sa kabila nito, tampok din sa "Firefly" ang pagmamahal ng isang ina at anak sa isa't isa, ang likas na kabaitan ng tao, at ang landas patungo sa paghilom at liwanag.

Sa pamamahala ni Dulay, nagbigay ang cast ng mga mahusay na performance, lalo na si Mikaell na kinilalang Best Child Performer sa MMFF ngayong taon. Nakatulong din sa magandang kwento ang visual effects ng pelikula na tiyak na kagigiliwan ng mga manonood. Kapuri-puri din ang pagpapalutang ng cinematographer na si Neil Daza ng mga kahanga-hangang tanawin sa Kabikulan. Swak din ang nostalgic na musikang inilapat sa ilang eksena.

Sa huli, mapagtatanto ng mga karakter na may liwanag na nakabubulag, pero may liwanag ding umaakay sa atin sa dilim. At hinahamon tayo ng pelikulang ilawan din ang ating landas para sa iba sa pamamagitan ng pag-ibig at pagiging mabuti sa kapwa.

Pambata man ang visuals at overall feel ng pelikula, may malalim na mensahe itong nararapat mapanood at mapakinggan ng mga nakatatanda. Dahil sa kwento ng "Firefly" at maski sa totoong buhay, sa atin nakasandig ang mga bata.

Hindi ito dapat palagpasin.

Mapapanood pa rin ang "Firefly" at iba pang MMFF entries sa mga sinehan sa buong bansa hanggang January 7.

Photo from gmanetwork.com|

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page