top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

Dengue outbreak idineklara sa QC

2/15/25, 9:15 AM

Ni Samantha Faith Flores

Idineklara kahapon ang Dengue outbreak ng lokal na pamahalaan ng Quezon City dahil sa patuloy na pagdami ng mga mamamayan na dinadapuan ng nakababahalang sakit.

Ayon sa City Epidemiology and Surveillance Division (CESD), umabot na sa 1,769 ang kaso ng dengue sa siyudad simula Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2025.

Ayon sa CESD may 58 porsiyento ng kabuuang bilang ng naitalang dengue cases ay mula edad 5-17 anyos habang 44 porsiyento naman ang may edad na 1-10 anyos.

Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Joy Belmonte na karamihan sa mga nagkakasakit ay mga bata.

“Mga bata ang karamihan sa mga nagiging biktima ng nakamamatay na sakit na ito. Kaya nananawagan ako sa mga kapwa ko magulang na sama-sama nating protektahan ang ating mga anak laban sa dengue,” sinabi ng punong lungsod.

Nanawagan si Belmonte ng pakikipag-tulungan ng publiko sa mga health authorities upang ma-sawata ang patuloy na pagdami ng nagkakasakit ng dengue na dala ng lamok.

Pinakiusapan niya ang mga opisyales ng mga barangay na himukin ang mga nasasakupan upang makilahok sa paglilinis ng kapaligiran sa kani-kanilang komunidad.

“Maging alerto tayo sa mga nararamdaman ng ating mga anak at manguna sa mga clean-up drive sa ating mga komunidad,” bilin ni Belmonte.

Ang agarang pagkokonsuilta sa mga health center sa oras na nakaramdam ng sintomas ng Dengue Fever ay mahalaga, ayon sa kanya.

“QCitizens, kung may nararamdaman na kayong sintomas ng dengue tulad ng lagnat, sakit ng ulo, at pananakit ng kasu-kasuan, pumunta na kayo agad sa pinakamalapit na health center sa inyong lugar,” paalala ni Belmonte.

Photo from environet.com.ph

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page