Davao City council nagkaisa sa pagkondena sa pag-insulto ni Vice Ganda kay ex-Duterte

8/12/25, 11:15 AM
Matibay na nagpahayag kahapon ng pagkakaisa ang lokal na lehislatura ng Davao City upang kondenahin ang kontrobersisyal na “jet ski” joke ni It’s Showtime host Vice Ganda na pinagkatuwaan ang dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.
Malakas ang naging palakpakan ng mga taong nanood mula sa audience nang ideklara na unanimous ang boto sa resolusyon na inihain ni Konsehal Danilo Dayanghirang.
Lubos na minasama ng mga lokal lider ng siyudad ang naging patawa ni Vice Ganda tungkol sa jet ski isyu laban sa dating pangulo.
Una rito, pinagisipan ng mga konsehal na ideklarang persona non-grata ang sikat na television host ng ginawa niyang katatawanan ang sinapit ni Duterte na ipinadala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kustodiya ng International Police upang harapin ang paratang na crimes against humanity sa ICC.
Sa performance nina Asia’s Songbird Regine Velasquez at ni Vice Ganda kamakailan lamang pinagbuntunan ng dalawa ng biro si Duterte na iniugnay nila sa kontrobersiya sa West Philippine Sea at sa ICC.
“Nothing beats a jet ski holiday, right now from Manila to the West Philippine Sea via jet ski. Get unlimited water bombing from Chinese vessels for a free trip to The Hague by the ICC. Promo applies to DDS only.Pinklawans and BBMs are prohibited. Huwag ninyo akong subukan, mga p***ina nyo!” bitaw ni Vice Ganda sa kanyang performance.
Lubhang ikinagalit ng mga tagasuporta ni Duterte ang tila pang-iinsultong patawa ng dalawa.
Nang tanungin tungkol sa isyu, sinabi ni Vice President Sara Duterte na ang Davao City council na lamang ang dapat magdesisyon o gumawa ng nais nilang hakbang tungkol sa insultong ibinato sa kanyang ama.
“The council of Davao is the correct body to declare a person a persona non grata,” paliwanag ni VP Sara.
Si ex-President Duterte ang naihalal na alkalde ng Davao City ngunit hindi siya makapagsilbi dahil sa kanyang pakakakulong sa The Hague.
