top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

Comelec hiniling na desisyunan na ang tunay na kinatawan ng Ang Bumbero party-list

5/6/25, 4:32 AM

Ni Tracy Cabrera

JW DIOKNO, Pasay City — Kasabay ng pagdiriwang ng Firefighters Day, muling iginiit ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) party-list group ang kanilang pakiusap sa Commission on Elections (Comelec) na agarang ipasa ang resolusyon na nagbibigay sa kanila ng pagiging tunay na ligal na kinatawan ng sektoral na grupo ng mga first responder sa darating na halalan sa Mayo 12 upang tuluyang makahimlay para ipahinga ang kanilang ikatlong nominee na napaslang sa Maynila.

Ang unang nominado ng ABP na si Dr. Jose Antonio 'Ka Pep' Goitia ay gumawa ng matunog na apila kay Comelec chairman George Erwin Garcia dahil sinasabing ang kanilang grupo ay lehitimong party-list representative ng Ang Bumbero ng Pilipinas dahil sa katotohanang ang nasawing si Leninsky Bacud ang orihinal na nagtatag ng kanilang grupo.

“Sapat na ang isang buhay. Hindi na namin kayang pakawalan ang isa pa. Umaapela kami sa iyo, Commissioner Garcia, na ipasa agad ang resolusyon na nagbibigay sa amin ng nag-iisang ligal na representasyon ng Ang Bumbero ng Pilipinas party-list," hiling ni Goitia.

Buong tiwala tayo sa hudisyal na katawan ng Comelec na mananaig ang hustisya ngunit ilang araw na lang ang natitira bago ang halalan, pinunto nito.

Ibinunyag pa niya na si Bacud ay nagsampa ng kasong perjury at falsification of public documents sa Office of the Prosecutor sa Quezon City at Maynila laban sa sampung tao na umano'y nag-aangkin bilang mga bagong opisyal ng ABP.

Sa reklamo, sinabi ni Goitia na pineke ng grupo ang pirma ni Bacud at lahat ng incumbent na miyembro ng board of directors na nagdedeklara na sila ay nagbitiw sa kanilang puwesto nitong nakaraang Pebrero 19, 2024.

Nilinaw nito na ang pagbibitiw ng mga lehitimong opisyal ng ABP ay naganap lamang sa panahon ng pangkalahatang pagpupulong at espesyal na regular na pagpupulong na may petsang Mayo 13, 2024, na ginanap bilang pagsunod sa Articles of Incorporation at by-laws ng ABP.

"Iyon ang oras na nagkaroon ng halalan at ako ay nahalal bilang bagong presidente ng ABP at si Bacud bilang bise-presidente" paghahayag nito.

Ipinaliwanag din ni Goitia na kasama si Bacud nang naghain sila ng petisyon noong Oktubre ng nakaraang taon para kuwestiyunin ang ligalidad ng kabilang grupo na nagpapanggap na kinatawan din ng ABP.
Itinaas ni Comelec 2nd Division presiding officer Marlon Casquejo ang kaso bilang default noong Enero 17, 2025 dahil sa hindi pagharap ng mga petitioner sa nararapat na abiso ng petsa at oras ng pagdinig.

Samantala, nag-alok ng isang milyong pisong pabuya ang ABP sa mga makapagbibigay ng wastong impormasyon upang maaresto sa mabilis na panahon ang mga suspek at utak sa pagpatay kay Bacud.

“Mahigpit naming kinondena ang pagpatay kay Bacud bilang isang masamang pag-atake hindi lamang sa aming kasama kundi pati na rin sa buhay ng lahat ng fire volunteers at rescuers na ang layunin ay pagsilbihan at protektahan ang kanilang mga kababayan sa oras ng insidente ng sunog at iba pang kalamidad," mariing wika ni Goitia.

Pinakita ni ABP party-list first nominee Dr. 'Ka Pep' Goitia ang kopya ng petisyon sa Comelec para desisyunan ang tunay na kinatawan ng Ang Bumbero ng Pilipinas. (Larawan mula sa ABP/Bong Son)

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page