Bulacan governor ipinababawi ang mga kontrata ng water districts at kumpanya ni Villar

4/30/25, 5:31 AM
MALOLOS, Bulacan - Dapat nang bawiin ang joint venture agreements ng kumpanya ng Villar family na Prime Water Infrastructure Corp. (PWIC) at ng mga water districts sa lalawigan ng Bulacan.
Ito ang idiniin ni Gov. Daniel Fernando matapos makatanggap ang kanyang tanggapan ng maraming reklamo laban sa operator ng water supply services ng ilang lokalidad sa probinsya.
Una rito, kumilos sina San Jose del Monte Mayor Arthur Robes at Rep. Florida “Rida” Robes upang igiit sa San Jose Water District Board na magpre-terminate na ng joint adventure agreement nito sa Prime.
Sumulat si Mayor Robes sa water district board upang ipaalam ang pag-apruba ng SJDM council ng Resolution No. 15, Series of 2025 na dahil sa masamang water supply service ng Prime, nararapat nang kanselahin ang kontrata nila.
Ayon kay Fernando nagsagawa ang Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan ng imbestigasyon ukol sa mga reklamo laban sa Prime. Hinihintay na lamang ng gobernador ang naging resulta ng mga hearings.
Sinabi naman ni Vice Gov. Alex Castro na isinasagawa na ng mga provincial legislators ang pag-review sa joint venture agreements ng Prime at ng mga water districts ng mga lokalidad ng Calumpit, Malolos City, Marilao at SJDM.
“I think this is a national issue. This is not a problem in Bulacan but in other areas also,” ayon kay Castro.
Inanyayahan ni Castro ang national government upang gawan ng paraan ang nararanasang problema sa tubig ng maraming bayan sa bansa na may water supply service contract sa Prime.
