Apat suspek sa pagbebenta ng sanggol dinampot sa Pampanga, Bulacan

2/10/26, 11:15 AM
Ni Samantha Faith Sabado
Apat na ilegal na nagbebenta ng mga bata ang dinampot ng mga operatiba ng Philippine National Police matapos ang magkahiwalay na entrapmnt operations sa Pampanga at Bulacan.
Agad namang pinuri ng National Authority for Child Care (NACC) ang PNP-Women and Children Protection Center dahil sa pagligtassa dalawang sanggol na ibinenta ng mga suspek.
Na-rescue ng WCPC ang isang sanggol na dalawang buwan pa lamang sa isang operasyon sa Angeles City, Pampanga.
Sa isa pang police operation, isang tatlong buwan na sanggol na babaqe naman ang nabawi sa Baliwag, Bulacan.
Ayon sa report, ang lalaki ay ibinenta sa halagang PhP 30,000 samantalang Php 130,000 naman ang sanggol na babae.
Ina ng sanggol ang dinampot sa Angeles City. Ipinagbili niya umano ang sariling anak dahil sa sakit nitong epilepsy.
Sa Bulacan, tatlong katao ang magkakasamang nagbenta ng babaeng sanggol.
Idinahilan ng mga nahuli na nagawa nilang ibenta ang bata upang makakolekta ng pampiyansa sa nakakulong na ama nito.
Ayon sa NACC mga kasong criminal ang isinampa sa mga suspek. Ang mga ito ay paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Person Act of 2022, Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination ACt at Cybercrime Prevention Act of 2012.
