Anomalya sa pagbili ng t-shirts sa PhP20K bawat isa, iimbestigahan ng Cebu City LGU

7/9/25, 8:34 AM
Ni Samantha Faith Flores
Sinimulan na ng bagong halal na Mayor Nestor Archival ang imbestigasyon sa umanoy pagbili ng dating administrasyon ng mga T-shirt sa halagang PhP20,000 bawat isa.
Ang tila ma-anomalyang pagbili ng T-shirt ay isa sa mga transaksiyon binubusisi ng kasalukuyang city administration na nagpahayag ng pagkabahala sa tinatantiyang PhP2 hanggang PhP3 milyon budget deficit ng lokal na pamahalaan ng Cebu.
Agad naman pinabulaanan ni dating Mayor Raymond Alvin Garcia ang alegasyon ni Archival at sinabing ito ay pawang mga “fake news” lamang.
Ayon kay Garcia wala siyang ina-aprubahang transaksyon na katulad sa nasabing overpriced T-shirts.
Inakusahan ng dating alkalde ang kanyang mga kritiko na nagpapakalat ng mga “politically motivated” misinformation.
Ayon sa Archival administration, nakatanggap sila ng preliminary report na nagsasabing overpriced umano ang pagkakabili sa mga Tshirt .
Sinabi ng bagong mayor na ang transaksyon ukol dito ay “irregular and reflective of spending practices that contributed to the city’s financial troubles.”
Nagpahayag din ng pagkabahala si Vice Mayor Tomas Osmeña sa natuklasan ng grupo ni Archival.
Sa kanyang Facebook page, ipinahayag ni Osmeña ang paniniwalang ang mga nadiskubreng kahina-hinalang mga transaction ay “tip of the iceberg” pa lamang.
