Amerikanong pastor dinakip dahil sa pang-aabuso sa 2 lalaking menor de edad
.jpg)
8/14/25, 10:53 AM
Ni Raselle Joyce Sabado
Dinakip ng awtoridad ang isang Amerikanong pastor matapos mailigtas ang dalawang batang lalaki mula sa shelter na pinatatakbo nito sa Barangay Pandacaqui, Mexico, Pampanga.
Sa pamamagitan ng isang cease-and-desist order, nakalabas at nasa kustodiya na ng mga social worker ang dalawang bata na kapwa 12 anyos.
Ang CDO ay para sa New Life Baptist Church na nagpapatakbo ng isang shelter kung saan pansamantalang naninirahan ang mga umano’y biktima ng pang-aabuso.
Dinakip ang founder ng ministry na si Jeremy, isang 48-anyos na Amerikano dahil umano sa pagkakait ng pagkain at pagkukulong sa mga bata sa isang kwarto na walang maliinaw na dahilan.
Ayon sa mga pulis iniimbestigahan na nila ang alegasyon na 155 pang mga alagang bata sa shelter ang nakaranas din ng pang-aabuso at pagmamalupit ni Jeremy.
Ang mga ito ay nasa pangangalaga na ng Regional Social Welfare and Development Office para mapayuhan at mabigyan ng kinakailangan tulong.
