12 pulis sabit sa ‘missing sabungero” suspendido ng 90 araw

8/4/25, 12:16 PM
Ni Ralph Cedric Rosario
Pinatawan ng preventive suspension na aabot sa 90 araw ang 12 pulis na humaharap sa mga kasong administratibo dahil sa kanilang umanoy partisipasyon sa pagdukot at pagpatay sa higit sa 34 nawawalang sabungero.
Sinabi ni National Police Commission Vice Chairman Rafael Vicente Calinisan na ang suspensyon ay isang bahagi ng pormal na proseso ng imbestigasyon. Hindi daw ito dapat ikonsiderang parusa sa mga pulis.
Ang tatlong buwang suspensyon ay ipinapataw upang maiwasan na maimpluwensyahan ang mga haharap na testigo laban sa mga pulis.
“This is a tool by the Napolcom to ensure the safety of the witnesses and the integrity of the investigation,” paliwanag ni Calinisan sa isang pulong balitaan nitong Lunes (Agosto 4).
Ang mga sinuspinde ay sina: P/Lt. Col. Ryan Eliab Orapa; P/Major Mark Philip Almedilla; PEMS Aaron Lagajit CAbilian; P/Chief Master Sgt. Arturo de la Cruz; P/Senior Master Sgt. Joey Encarnacion; P/Senior Master Sgt. Mark Anthony Manrique; P/Master Sgt. Anderson Abari; P/Staff Sgt. Alfredo Uy Andes; P/Corporal Angel Joseph F. Martin; P/Staff Sgt. Renan Lagrosa Fulgencio at P/Col. Jacinto Rodriguez Malinao Jr.
Nahaharap sa mga kasong grave misconduct, irregularities in the performance of duty and conduct unbecoming of a police officer ang 11 sa mga nabanggit na police.
Si Malina ay kinasuhan ng grave misconduct, grave neglect of duty at conduct unbecoming of a police officer.
Ang mga ito ay kinasuhan ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero na umano’y ipinaligpit ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
Kasama rin sa nagsampa ng kaso si whistleblower Julie “Dodong” Patidongan alias “Totoy”.
