LAW AND ORDER
Vietnamese, kasama 11 Pinoy, timbog sa pagsasagawa ng ilegal na medical procedure

Photo from agilangbayan.com
7/21/25, 7:00 AM
Ni Annietha Fae Flores
CEBU CITY - Inaresto ng pulisya ang 12 katao, kasama ang isang Vietnamese national, matapos na ma-raid ang isang beauty clinic na umanoy nagsasagawa ng “illegal medical operations.”
Ayon sa Police Regional Office sa Central Visayas (PRO-7) ang mga suspek ay caught in the act habang nagsasagawa ng mga cosmetic procedures sa isang parlor sa Centro Maximo Building, Jakosalem Street, BArangay Cogon Central Ramos, Cebu City nitong Linggo (Hulyo 20).
Nakumpirma ng raiding team na ginagawa sa loob ng parlor ang cosmetic procedures kahit wala itong lisensya upang magsagawa nito. Hindi rin umano nakarehistro sa Food and Drugs Administration ang mga produktong ginagamit at binebenta para sa pagpapaganda.
Bago ang raid, kinumpirma muna ng mga pulis ang mga ilegal na operasyon ng establisimento sa pamamagitan ng pagpapadala ng isang ahente na nagpanggap na customer.
Ikinasa ang operasyon nang magpapagawa na ng lip filler procedure ang parlor para sa ahente.
Kinumpiska ng nga operatiba ang mga gamot at makinang ginagamit sa ilegal na operasyon.
Ang mga naaresto ay ipaghaharap ng mga kasong violatino of Republic ACt No. 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009 at Republic ACt 2382 of ang Medical Act of 1959 dahil sa ilegal na pagsasagawa ng cosmetic procedure na tanging mga doktor lamang ang awtorisadong gumawa.
Ang raid ay isinagawa ng Regional Special Operations Unit 7 (RSOU7), kasama ang mga miyembro ng Regional Intelligence Division 7 at ang Cebu Police Office’s City Mobile Force Company.
