top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

LAW AND ORDER

SC: Special Power of Attorney walang bisa sa pagkamatay ng nagbigay nito

8/27/25, 9:39 AM

Ni Ralph Cedric Rosario

Ang bisa ng isang Special Power of Attorney (SPA) ay kasama sa hukay sakaling namatay na ang taong nagbigay nito.

Ayon sa isang desisyon ng Korte Suprema ang anumang kilos na gagawin ng nabigyan ng SPA o ahente matapos ang kamatayan ng nag-isyu ay wala nang bisa maliban kung saklaw ng iilang natatanging specifications sa batas.

Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, sinabi ng Ikatlong Dibisyon ng Supreme Court na nawalan ng kapangyarihan si Jessica Alova Uberas (Jessica) na kumilos para sa kanyang ama na si Meliton Alova (Meliton) nang pumanaw ito noong 1998, dahil natapos na ang bisa ng SPA.

Noong 1998, lumagda si Meliton ng isang SPA na nagbibigay kapangyarihan kay Jessica upang pamahalaan ang kanyang ari-arian.

Pumanaw siya makalipas ang ilang buwan. Sa kabila nito, ginamit ni Jessica ang SPA noong 2003 upang kumuha ng credit line mula sa San Miguel Foods, Inc. (SMFI) sa pamamagitan ng pagsasangla ng ari-arian ng kanyang yumaong ama.

Ayon sa records, ginamit niya ang credit line na ito para bumili ng mga produktong manok ngunit nabigong magbayad, kaya’t na-foreclose ng SMFI ang ari-arian.

Parehong kinatigan ng Regional Trial Court (RTC) at Court of Appeals (CA) na natapos na ang bisa ng ahensya dahil sa pagkamatay ni Meliton.

Gayunman, sinabi ng RTC na dahil may pagsang-ayon si Felicidad, asawa ni Meliton, may bisa ang pagsangla kaugnay ng kanyang kalahating bahagi sa ari-ariang mag-asawa.

Taliwas dito, idineklara ng CA na walang bisa ang pagsangla sapagkat hindi ito naisagawa para sa kapakanan ng mag-asawa.

Umapela ang SMFI sa kataas-taasang hukuman, na bahagyang pumabor sa kanila: kinatigan ng hukuman na tapos na ang bisa ng SPA ngunit idineklara ring may bisa ang pagsangla at foreclosure sale kaugnay ng bahagi ni Jessica sa ari-arian.

Ipinaliwanag ng KS na sa ilalim ng isang SPA, na isang kontrata ng ahensya, binibigyan ng prinsipal ang isang ahente ng kapangyarihang kumilos para sa kanya sa mga transaksyon laban sa ikatlong panig. Ang ahensya ay personal, kinatawan, at nakabatay sa kapangyarihan ng prinsipal—kaya’t natatapos ito kapag namatay ang alinman sa prinsipal o ahente.

Anumang ginawa ng ahente matapos mamatay ang prinsipal ay walang bisa, maliban kung pasok sa dalawang eksepsiyon sa Civil Code: (1) kung ang ahensya ay para sa kapwa interes ng prinsipal at ahente; at (2) kung ang ahente, nang hindi alam ang pagkamatay o pagtatapos ng ahensya, ay nakipagkasundo sa ikatlong panig nang may mabuting loob.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page