

LAW AND ORDER
Rep. Cardema ng Duterte Youth dapat magpaliwanag sa ginagamit na apelyido - Comelec

6/11/25, 12:03 PM
Ni Ralph Cedric Rosario
Pinagpaliwanag ng Commission on Elections ang Duterte Youth Partylist kung bakit gumamit si Rep. Drixie Mae Suarez Cardema ng apelyidong “Cardema” sa mga dokumentong isinumite para sa kanyang nominasyon.
Sa isang sulat na ipinadala ng Comelec sa kongresista, humiling ang poll body ng paliwanag sa paggamit niya ng apelyidong “Cardema” sa kanyang certification of nomination and acceptance (CONA).
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia binigyan ang Duterte Youth nominee ng tatlong araw upang magpaliwanag sa sulat ngunit ang desisyon kung dapat ngang magpaliwanag o hindi ay na kay Cardema na.
Sakaling hindi sumagot si Cardema, mauuwi sa imbestigasyon ang mga katanungan ukol sa nasabing isyu.
“We shall proceed with the invesstigation and rely solely on our records,” diin ni Garcia.
Ipinaliwanag ng Comelec chief na hindi show cause order ang ipinadala kay Cardema sapagkat wala naman pormal na reklamo o kaso na isinampa sa partylist group.
Bagamat hindi umano maapektuhan ang nominasyon at proklamasyon ni Cardema, nagpa-alala naman si Garcia na dahil sa sinumpaan ng kandidato ang CONA, ang pagbibigay ng maling impormasyon ay maituturing na perjury na isang election offense.
Sa mga social media posts, inakusahan si Cardema na Suarez at hindi Cardema ang tunay niyang apelyido.