top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

LAW AND ORDER

Palugit sa pagsasampa ng kasong bigamya nilinaw ng Korte Suprema

7/11/25, 9:27 AM

Ni Ralph Cedric Rosario

Nagpasya ang Korte Suprema na ang 15-taóng palugit sa pagsasampa ng kasong bigamy ay dapat bilangin mula sa aktwal na pagkakatuklas ng ikalawang kasal, at hindi mula sa petsa ng pagrerehistro nito sa pamahalaan.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Samuel H. Gaerlan, pinagtibay ng Third Division ng Korte Suprema ang hatol ng pagkakakulong kay Erwin Bonbon matapos mapatunayang nagpakasal kay Elizabeth Bonbon noong 1999 kahit kasal pa siya sa ibang babae.

Batay sa mga tala, unang pinakasalan ni Erwin si Gemma Cunada noong 1988. Hindi niya ito legal na hiniwalayan at nagpakasal sa pangalawang babae noong 1994, at kay Elizabeth noong 1999.

Nadiskubre lamang ng mga kapatid ni Erwin ang ikatlong kasal noong 2020, nang kumuha sila ng dokumento mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) para sa benepisyo ng kanilang yumaong ina. Nagsampa sila ng kasong bigamy laban kina Erwin at Elizabeth noong 2021—dalawampu’t dalawang taon matapos ang kasal ni Erwin kay Elizabeth.

Iginiit ni Erwin na huli na ang kaso at dapat ibasura dahil alam na umano ng kanyang mga kapatid ang tungkol sa kasal noon pang 1999.

Hindi ito pinaniwalaan ng Korte Suprema at pinanindigan ang mga desisyon ng Regional Trial Court at Court of Appeals na nagkumpirmang siya ay nagkasala sa bigamy.

Paliwanag ng SC, ayon sa Revised Penal Code, nagkakaroon ng bigamy kapag ang isang taong kasal pa ay muling nagpakasal sa ibang tao. Dapat lamang magsampa ng kaso sa loob ng 15 taon mula sa aktwal na pagkakatuklas ng pangalawang kasal, at hindi mula sa petsa ng pagrerehistro. Binanggit ng Korte na kadalasang lihim ang mga bigamous na kasal kaya’t kung pagbabasehan lamang ang pagrerehistro, halos imposible itong usigin.

Sa kasong ito, nabigo si Erwin na patunayan na alam na noon pa ng kanyang mga kapatid ang kasal. Inamin pa niyang walang kamag-anak ang dumalo sa kasal nila ni Elizabeth, na isinagawa sa ibang lalawigan. Kaya’t ang kasong isinampa noong 2021 ay nasa loob pa rin ng itinakdang panahon.

Hinatulan si Erwin ng pagkakakulong ng hanggang walong taon at isang araw.

Sa hiwalay na opinyon, sumang-ayon si Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa sa desisyon, ngunit binigyang-diin niya ang bagong sistema sa ilalim ng Republic Act No. 11909 o ang Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act. Sa ilalim nito, mas madali nang matukoy ang mga kaso ng bigamy gamit ang digital Civil Registry Database ng PSA na inilunsad noong 2022.

Iminungkahi ni Justice Caguioa na dapat obligahin ng Kongreso ang PSA na iulat sa kinauukulang awtoridad ang mga kaso ng maramihang pagrerehistro ng kasal.

Dagdag pa niya, maaaring iakma ang 15-taóng palugit batay sa sumusunod:

Aktwal na pagkakatuklas – para sa mga bigamous na kasal na natuklasan bago pa man nailunsad ang database;
Petsa ng paglalagay ng database – para sa mga kasal bago ngunit nadiskubre lamang pagkatapos ng database;
Petsa ng pagrerehistro – para sa mga kasal na ginawa pagkatapos ng pag-iral ng database.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page