top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

LAW AND ORDER

Korte Suprema: Nanggahasa ng ampon lusot sa life imprisonment dahil sa lumang batas

Photo from www.oneindia.com

7/1/25, 9:16 AM

Ni Ralph Cedric Rosario

Lusot sa habambuhay na pagkakakulong ang isang lalaki matapos na magpasya ang Korte Suprema na hindi “qualified rape” kundi “statutory rape” ang ginawang paggahasa sa 10-anyos na ampon na pamangkin.

Ngunit sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Japar B. Dimaampao ng Third Division, makukulong pa rin ng hanggang 40 taon ang akusado at magbabayad siya ng PhP225,000 na danyos sa kanyang biktima.

Sa nasabing desisyon, nagkaisa ang mayorya sa desisyon na isinulat ni Dimaampao na nagkasala ng statutory rape ang akusado at hindi qualified rape sapagkat noong maganap ang krimen, hindi pa kinikilala ng batas ang relasyon sa pagitan ng isang ampon at mga kamag-anak ng kanyang adoptive parents bilang sapat na batayan para sa higit na mabigat na parusa.

Sa qualified rape, habambuhay na pagka-bilanggo ang naghihintay na parusa sa mga nagkasala ng krimen.

Sa desisyong, nagbasya ang korte na ibaba ang kaso mula sa “qualified rape” patungong statutory rape, alinsunod sa umiiral na batas noong 2012.

Batay sa salaysay, naganap ang krimen noong Nobyembre 2012 habang natutulog ang bata. Hinalay siya ng kapatid ng inang umampon sa kanya.

Isang taon matapos ang insidente, isinumbong ng biktima ang nangyari at isinailalim siya sa medical examination sa tulong ng kanyang adoptive parents.

Hinatulan ng Regional Trial Court ang akusado ng qualified rape, dahil sa pagiging menor de edad ng biktima at diumano'y pagiging kamag-anak ng suspek. Kinumpirma ito ng Court of Appeals.

Ngunit binago ng Korte Suprema ang hatol.

Ipinaliwanag ng SC na sa ilalim ng Revised Penal Code, ang "qualified rape" ay nagaganap kung ang biktima ay wala pang 18 taong gulang at ang salarin ay kamag-anak sa dugo o affinity hanggang sa ikatlong antas. Noong panahong iyon, hindi pa kasama sa depinisyon ng “kamag-anak” ang mga kadugo ng adoptive parents.

Ang batas na Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act (Republic Act No. 11642), na naging epektibo lamang noong 2022, ang siyang nagpalawak sa depinisyon ng relasyon upang isama ang mga magulang, kapatid, at anak ng adoptive parent.

Giit ng korte, hindi ito maaaring gamitin sa mga kasong naganap bago ang bisa ng bagong batas, upang hindi malabag ang constitutional prohibition sa ex post facto laws—mga batas na nagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga krimen na nagawa bago pa naipasa ang naturang batas.

Dahil dito, ang akusado ay nahatulan ng statutory rape, na umiiral kapag ang isang batang babae na wala pang 12 taong gulang ay nagkaroon ng pakikipagtalik, kahit walang puwersa o pananakot.

Sa kanyang concurring opinion, sumang-ayon si Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa sa desisyon ngunit binigyang-diin na sa ilalim ng bagong batas, ang isang ampon ay nagkakaroon ng buong pamilya—hindi lamang ng magulang.

Binanggit niya ang ilang kasong hawak ng Korte kung saan hindi rin kinilala ang adoptive relationship sa parusa, dahil ang mga krimen ay nangyari bago naipasa ang RA 11642.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page