

LAW AND ORDER
Korte Suprema: Kahit walang kasulatan, bentahan ng lupa legal kung napatunayang isinagawa

6/30/25, 9:49 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
Nagpasya ang Korte Suprema na ang bentahan ng lupa na ginawa sa pamamagitan lamang ng usapan o "verbal agreement" ay maituturing na balido kung ito ay naipatupad na, kahit wala itong nakasulat na kontrata.
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Samuel H. Gaerlan, kinatigan ng Korte ang bentahan ng lupa sa pagitan nina Marcos Batara at ng kanyang pamangkin na si Benedicto Ocampo.
Ayon sa Korte, balido ang bentahan dahil tinanggap na ni Ocampo ang titulo ng lupa, lumipat na siya sa nasabing ari-arian, at nagsagawa na ng mga pagbabagong pisikal roon.
Nasa pangalan ni Batrara ang lupa ngunit namatay siya noong 1974. Hindi alam ng mga anak ni Batara na sina Noblesa at Ernesto ang tungkol sa nasabing lupa.
Noong 2007, natuklasan ng magkapatid ang tungkol sa lupa at nalaman din nila na ang pinsan nilang si Ocampo ang nakatira doon.
Nagsampa ng kaso sina Noblesa at Ernesto upang bawiin ang lupa, bilang mga tagapagmana ni Batara.
Iginiit naman ni Ocampo na binili niya ang lupa kay Batara habang ito’y buhay pa. Matapos mamatay si Batara, ipinagpatuloy pa rin umano ni Ocampo ang pagbabayad sa pamamagitan ng kapatid ni Batara na si Marcelo.
Ipinakita rin niya ang titulo ng lupa bilang patunay na ibinigay ito sa kanya ni Batara matapos ang paunang bayad.
Pabor kina Noblesa at Ernesto ang naging desisyon ng Regional Trial Court at Court of Appeals, sa kadahilanang kulang ang ebidensiya ng bentahan bukod sa mga sinasabi ni Ocampo.
Ngunit binaligtad ng Korte Suprema ang hatol.
Ayon sa Civil Code, kailangang nakasulat ang kontrata ng bentahan ng lupa upang maipatupad sa hukuman. Ngunit kung napatunayan na naisakatuparan na ang bentahan—buo man o bahagi lamang—maaaring tanggapin ng hukuman ang kasunduan kahit pasalita lamang.
Sabi ng Korte, ang pag-ako sa pagmamay-ari ng lupa, pagtanggap ng titulo, at pagpapagawa sa lupa ay malinaw na indikasyon na may naganap na bentahan. Kaya’t maaaring gamiting legal na batayan ang pasalitang kasunduan ng isang mamimili na nakatira na sa lupa, kahit walang pormal na kasulatan.
Sa kasong ito, napatunayan ng Korte na bahagyang naisakatuparan ang bentahan: nagbayad na si Ocampo ng paunang halaga, tinanggap ang titulo, lumipat sa lupa, at nagbayad ng buwis sa ari-arian. Dahil dito, tinanggap ng Korte ang kanyang salaysay at ng kanyang mga saksi.
Gayunpaman, hindi kinilala ng Korte ang mga bayad na ginawa ni Ocampo kay Marcelo dahil wala itong kapangyarihang tumanggap ng bayad para sa mga tagapagmana ni Batara. Kaya’t bagama’t balido ang bentahan, inutusan ang pagbabayad ng natitirang halaga, kasama ang interes, kina Noblesa at Ernesto.