LAW AND ORDER
Balik-Pinas at sumuko na retiradong heneral na sabit sa ma-anomalyang PHP6.7-B drug bust

Photo from fb/Philippine News Agency
2/11/25, 5:40 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
Bumalik na sa Pilipinas at sumuko sa pulisya ang retiradong police general na umano’y nangibang bayan upang takasan ang kasong kriminal na inihain sa kanyang pagkakasangkot sa PHP6.7 bilyon drug haul anomaly sa Maynila noong 2022.
Ayon kay Philippine National Police spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo agad inaresto si dating General Benjamin delos Santos pagdating niya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) eksaktong 4:48 am nitong Martes (Peb. 11).
“He surrendered to the CIDG (Criminal Investigation and Detection Group). and he underwent normal booking procedures,” sinabi ni Fajardo.
Bandang 9:12 am ng Martes, pinalabas na rin sa kustudiya ng CIDG si delos Santos matapos maglagak ng PHP200,000 piyansa.
Isa si Delos Santos sa 29 na dati at aktibong miyembro ng PNP na inasunto ng paglabag sa Sectioni 92 ng Republic Act 9165 dahil sa pagbinbin at hinihinalang sadyang mga kilos upang maibasura ang kaso ng pagsabat sa PHP6.7 ilegal na droga.
Nabisto ng National Police Commission at Department of Justice ang umanoy sinadyang paghulog sa imbestigasyon ng kaso matapos na makita nila ang mga pagkakaiba sa operasyon para sa pagsabat ng 990 kilo ng shabu sa isang kumpanyang pag-aari umano ni retired police sergeant Rodolfo Mayo noong Oktubre 2022.
Nakita sa CCTV footage ang pagkakaiba ng salaysay ng mga operatiba tungkol sa mga nangyari noon.
Ang imbestigasyon ay nagresulta sa pagkakahuli ni Mayo.
Tumakas umano palabas ng bansa si Delos Santos. Wala nang iniulat sa dahilan ng kanyang pagbabalik sa Pilipinas.
Pito na lamang ang nalalabing akusado na hindi ba sumusuko o nadarakip ng pulisya. Kasama dito si retired Gen. Narciso Domingo na pinuno ng PNP-DRgu Enforcement Group noong mangyari ang insidente.
Nagbigay na rin ng surrender feelers si Domingo na nagpipilit ng siya ay inosente sa kaso ng katiwalian.
