

LAW AND ORDER
Asawa ni Harry Roque ipinaaaresto na rin ng Quad Comm ng Kamara

10/11/24, 9:03 AM
Ipinaaaresto na rin ng quad committee ng Kamara si Mylah Roque, asawa ng dating presidential spokesperson Harry Roque na unang iinishuhan ng arrest order ni Speaker Martin Romualdez.
Si Mrs. Roque ay dating reporter ng RPN-9 at nagsilbi rin trustee ng Pag-IBIG Board of Trustees. Pareho sila ng asawang si Harry na nanilbihan sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
Ayon sa QuadComm na pinangungunahan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, makailan ulit nang inatasan si Mrs. Roque na magpakita sa hearings ng QuadComm ngunit hindi pa ito nagpaunlak sa mga imbitasyon at subpoena.
Nag-mungkani si Antipolo City Rep. Romeo Acop na ipa-aresto si Mrs. Roque matapos na magdesisyon ang panel na aprubahan ang motion to cite in contempt ang maybahay ni Roque.
“Since we have given Ms. Roque the due process with regards to this, supposedly her presence, in the hearing, I move to cite in contempt Ms. Roque," deklarasyon ni Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano.
Ayon kay Barbers pinadalhan ng subpoena si Mrs. Roque ngunit hindi ito sinagot man lamang ng dating TV reporter.
Nais ng QuadComm na magpaliwanag si Mrs. Roque tungkol sa kaugnayan niya sa mga Chinese nationals na nangupahan ng POGO complex sa Bamban, Tarlac. Siya umano ay pumirma nt lease agreement nito.
Iginiit ng kanyang asawa na wala umano kinalaman sa imbestigasyon ng Kamara ang mga business records, pruweba ng kanilang pagbayad ng buwis at iba pang mga dokumento na hinihingi ng QuadComm
Idinikit ni Roque na ang legislative investigation sa umanoy pamumulitika ng mga kongresista upang ipitin at siraan ang pamilya Duterte.
Inaasahang maglalaban sa 2028 presidential race sina Vice President Sara Duterte at Speaker Martin Romualdez
“Anong kinalaman ng pribadong buhay ko sa usapin ng POGO? Hindi lamang nilalabag ng QuadCom hearing ang aking right to privacy, sinisira rin nito ang aking pamilya,” ayon kay Roque na patuloy pa rin nagtatago.