LAW AND ORDER
“Not guilty” plea ipinasok ng Sandiganbayan para kay Bong Revilla

Photo from www.gmanetwork.com
2/16/26, 9:55 AM
Ni Samantha Faith Flores
Bagamat tumangging magbigay ng deklarasyon si dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., ipinasok ng Sandiganbyan ang “not-guilty” plea para sa para sa kanyang pagkakadawit sa kasong malversation kaugnay ng umano’y maanomalyang PhP92.8 milyon Bulacan flood project sa Pandi.
Samantalang ang kapwa niya akusado na si dating Department of Public Works and Highways accountant Juanito Mendoza ay nagbigay rin ng not guilty sa parehong kaso.
Binasahan ng sakdal ang mga akusado sa isinagawang arraignment ng Third Division ng Sandiganbayan Lunes (Peb 16) ng umaga.
Inatasan ng mga mahistrado ang dalawang akusado na mag-sumite ng kani-kaniyang pre-trial briefs sa Peb. 20. Ang kanilang mga abogado ay kailangan naman humnarap sa korte sa Peb. 23 hanggang Peb. 27 para sa pagmarka ng ebidensiya.
Magkakaroon ng pre-trial hearing ang kaso laban kay Revilla sadarating na Marso 6.
Inaasahan naman ang dalawang akusado na umapela sa Office of the Ombudsman para sa kanilang rekonsiderasyon ng information na isinampa ng anti-graft body.
Nilinaw ng Sandiganbayan na kahit na pinayagan nito ang dalawang akusado na magsampa ng motion for reconsideration sa Ombudsman, hindi naman dapat i-suspinde ang kasalukuyang ginaganap na paglilitis.
Mananatili rin epektibo ang mandamiento de aresto na inisyu ng anti-graft court sa kanila.
Ipinaliwanag ng korte na sakaling baguhin ng OMbudsman ang nauna nitong desisyon na kasuhan na ang mga akusado, ang bagay na ito ay hindi dagliang pipigil sa paglilitis.
“It cannot, by itself, terminate or suspend the proceedcings in this case, or even result in the quashal of the warrant of arrest,” paliwanag ng Sandgianbayan.
