

TRUTH VERIFIER
Tuwa at lungkot ang sumalubong sa pag-aresto kay vlogger Toni Fowler

Photo from news.abs-cbn.com
1/20/24, 2:00 PM
Ikinalugod ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas (KSMBP) ang pagsampa ng kasong obscenity laban sa vlogger na si Toni Fowler bilang isang pagpapatibay ng dati na nilang posisyon sa isyu.
Naglabas ng warrant of arrest laban sa social media personality ang Pasay Regional Trial Court 108 matapos mapihu nito na dapat siyang litisin sa tatlong kasong paglabag sa ARticle 201 ng Revised Penal Code na may kinalaman sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ang Pasay City Prosecutor’s Office ang nag-akyat ng kaso laban kay Fowler matapos na makakita ito ng sapat na ebidensya ng umano’y mga kalaswaang ipinakita sa mga music videos ni Fowler.
Ipinahayag ni KSMBP president Leo O. Olarte na responsibilidad ng samahan na bantayan ang mga gumagamit ng social media platform upang pangalagaan ang maayos na pagpo-post dito.
Ayon kay Olarte bindikasyon sa samahan ang pagsampa ng kaso kay Fowler at ang sumunod na pagpapalabas ng arrest warrant laban sa kanya.
Idiniin nito na hindi man lamang nakipag-ugnayan si Fowler sa kanilang samahan simula ng masampahan ito ng kaso.
Dinepensahan ni Fowler ang sarili at iginiit nito na ang kanyang mga post sa You Tube ay pagehersisyo lamang ng kanyang freedom of expression. Idinahilan pa niya na ang mga lumabas sa mga video ay ukol sa pagkababae niya.
Ang sikat na content creator ay umani ng batikos at paghanga matapos na ilabas nito an MPL music video na naglalaman ng “adult content”.
Sinimangutan ng Movie and Television Review and Classification Board si Fowler at nagpahayag na kung sila ang masusunod lalagyan nila ng rating na “x” ang social media post.
Matapos na ma-aresto noon Biyernes (January 12), nagbayad agad si Folwer ng piyansang sa halagang P120,000 kung kaya’t pansamantala siyang pinawalan ng pulisya.
Sa mga pahayag ni Olarte, lumalabas na si Fowler ay kasapi ng kanilang samahan kaya nararapat na sumunod ang vlogger sa mga direktiba at regulasyon ng samahan ukol sa kanilang ikinikilos sa social media.
