top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

TRUTH VERIFIER

PBBM, PNP, mga LGU — Bulag nga ba sila sa iligal ba sugal?

Marami sa mga Pinoy ang nalululong sa iligal na sugal, tulad ng makikita sa larawan na mga number at color game na kung tawagin ay 'hi-lo', 'beto-beto' at 'pula' t puti'. (Larawan mula sa Daily Guardian)

8/4/25, 4:21 AM

Ni Tracy Cabrera

SA isang bahagi ng dalampasigan ng isla ng Mactan noong Abril 27 1521, nagsagupa ang puwersa ng dakilang mandirigmang si Lapu-Lapu at ang kalabang grupo ng mga Kastila at tauhan ni Raha Humabon sa pangunguna ng Portuguese conquistador na si Fernão de Magalhães o mas kilala bilang Ferdinand Magellan.

Sa naging labanan, nagawang talunin ni Lapu-Lapu ang mga dayuhang mananakop at sa aplaya ng isla ay doon napaslang si Magellan.

Ito ang nakasaad sa ating kasaysayan, subalit sa aming kuwentuan sa barberya sa kanto, nabanggit ng isang usisero na kaya pala raw pinatay ang Kastilang conquistador ay dahil sa binulabog daw nito ang tupada na kung saan nagsasabong sina Lapu-Lapu at ang kanyang mga kaibigan. Dahil dito, nagalit daw ang dakilang mandirigma at natuon ang galit kay Magellan.

Kuwentong kutsero nga ito, dangan nga lang ay inilalarawan din nito na talagang mahilig sa sugal tayong mga Pinoy. Kaya nga siguro laganap ang bisyong ito hanggang sa ngayon.

Bigyang pansin natin ang talamak na sugalan sa Taytay, Rizal. Sa kabila ng batas laban sa iligal na sugal, nasaksihan natin ang iba't ibang uri ng sugal sa mga peryahan o pergalan (pinaghalong perya at sugal), na kung tawagin din nama'y mga 'sugal-lupa' dahil maliitan lang ang pustahan dito, hindi tulad ng matatapuran sa mga casino at junket na mayroong high-roll baccarat, roleta at poker.

Bawal nga ito subalit hindi ginagalaw ng lokal na pulisya ng Taytay ang iligal na operasyon ng mga pergalan. Pero mantakin n'yo, naging Number 1 police station sila kahit kulang sa aksyon.

Reklamo ni kabise sa akin, "Tatawag ka sa 911 police hotline at isumbong mo tungkol sa isyu ng sugal at mayroon ka ebedensiya dahil nakuhanan ng video ang sugalan at dumating naman ang pulis sa loob lamang ng 5 minute response time (na pinapairal ng butihin nating hepe ng Philippine National Police na si General Nicolas Deloso Torre III), pero pagdating sa area ng sugalan, ang ginawa ng pulis ay kinukuwestiyon at iniimbestigahan ang nagsumbong kung bakit alam nito ang iligal na pasugalan."

Nakakatawa na para bang lumitaw na ang may isyu sa pagsumbong kaya tuloy natameme ang subungero sa C6 Road sa Barangay Santa Ana sa Taytay. Isang alyas Aling Tessie raw ang may hawak nito at itinuturing siyang 'Reyna ng Pasugalan' sa Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon (CALABARZON) na 'untouchable ' dahil malakas daw sa mga awtoridad at politiko.

Ngayon, ang masaklap ay tuluy-tuloy lang ang operasyon ng sugalan ni Aling Tessie sa Bgy. Sta. Ana. Aba, mukhang inutil ang hepe ng lokal na pulisya at gayun na rin ang magiting na alkalde ng Taytay na si Mayor Allan De Leon!

Naitanong tuloy kung pinipili ba ng mga pulis kung alin ang huhulihin dahil minsang nangyaring may isang retired mediaman na senior citizen at halos 80 anyos na ang edad na makaraang ireklamo ng kasabayan sa bus ay sinasalya agad at dinakip at ikinulong samantalang ang mga iligalista ay ayos Lang kaya tuloy ang ligaya!

Maaaring hindi malaking problema ang mga 'sugal-lupa', hindi tulad ng drug addiction at kalakalan nito o human trafficking at korapsyon. Subalit dapat alakahanin na ang pagkalulong sa sugal ay isang salot sa ating lipunan.

Hindi direktang hinahatulan ng Bibliya ang pagsusugal, pagpusta at iba pa. Gayunman, binibigyang babala tayo ng Banal na Aklat na umiwas sa pag-ibig sa salapi (1 Timoteo 6:10; Hebreo 13:5). Hinihikayat rin tayo ng Kasulatan na iwasan ang mga pagtatangkang yumaman sa “madaling paraan” (Kawikaan 13:11; 23:5; Mangangaral 5:10).

Ang totoo, ang pagsusugal ay kadalasang nakaugnay sa pag-ibig sa salapi at hindi maipagkakailang maraming tao ang natutukso nito dahil sa pangako ng madali at mabilis na pagyaman o pagkakamal ng salapi.

Kung paniniwalaan natin ang babalang ito, lumilitaw na may bigat din ang problema ng sugal. Nakakapagtaka nga lang na hindi binanggit ito ng ating mahal na Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SoNA) noong Lunes, Hulyo 28, nitong nakaraang linggo.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page