

TRUTH VERIFIER
Octogenarian ex-lawyer kalaboso dahil sa $15M crypto pyramiding scam

Photo from coindoo.com
10/15/24, 4:44 AM
Nasentesyahan ng limang taong pagkakabilanggo sa senior living facility sa Las Vegas, United States ang isang 86-taong-gulang na dating abogado dahil sa pag-oorganisa ng isang multimillion-dollar cryptocurrency Ponzi scheme na numenok umano ng halos US$15 milyon o Php858 bilyon.
Sa ulat ng online news site na CryptoPotato, hinatulan ng federal court si David Kagel ng probation sa nasabing pasilidad at US$14 milyong danyos sa mga nabiktimang investor matapos siyang mag-plead ng guilty sa kasong "conspiracy to commit commodity fraud" noong Mayo.
Ayon sa korte, pinaniwala ni David at dalawa pa niyang kasabwat ang mga biktima na kapag namuhunan sila sa isang cryptocurrency bot trading program ay tiyak na tutubo ang kanilang kapital ng 20% hanggang 100% sa loob lamang ng 30 araw.
Nakalikom sila ng humigit-kumulang US$15 milyon mula sa mga biktima.
Ginamit ng mga salarin ang pondo ng mga bagong mamumuhunan upang bayaran ang mga naunang nag-invest, tipikal na Ponzi scheme. Dahil dito, maraming biktima ang nawalan ng malaking halaga ng pera.
Dagdag pa ng korte, pineke ni David ang mga liham sa letterhead ng kanyang kumpanya upang magmukhang lehitimo ito.
Noong 2023, binawi ng California Supreme Court ang kanyang lisensya bilang abogado matapos siyang mabigong sumagot sa disciplinary charges na may kaugnayan sa maling paggamit ng US$25,000 mula sa pondo ng isang kliyente.
Na-suspinde na rin ang kanyang lisensya sa dalawang magkahiwalay na pagkakataon, noong 1997 at 2012.
Samantala, ang mga hinihinalang kasabwat ni David na sina David Saffron at Vincent Mazzota ay nag-plead ng not guilty at naghihintay ng hatol sa Los Angeles federal court.
