

TRUTH VERIFIER
Navotas solon sa mga naghahanap ng Internet romance: Umiwas sa love scammers
.jpg)
Photo from southstarbank.com
11/15/24, 7:37 AM
Ni Samantha Faith Flores
”True love ang dapat ang mahanap nila, hindi kriminal.”
Ito ang bilin ng tagapangulo ng Committee on Information and Communications Technology ng Mababang Kapulungan para sa mga naghahanap ng pag-ibig sa internet.
Sa isang press statement noon Huwebes (Nobyembre 14) nagsabi ng pagkabahala si Navotas Rep. Toby Tiangco sa patuloy na paglobo ng mga Pilipinong nabibiktima ng mga “love scammers” sa Internet.
Binilinan niya ang mga mahilig sa social media at naghahanap ng pag-ibig na maging alerto sa mga love scammers na bukod sa bubutas ng kanilang bulsa ay iiwan pa silang luhaan.
“Siyempre, sana all may love life pero ayaw natin na maloko lang ng pekeng pag-ibig ang mga kababayan natin. True love dapat ang mahanap nila, hindi kriminal,” paliwanag ni Tiangco.
Pakiusap ng beteranong kongresista; ”Huwag po basta-basta magpadala sa damdamin. Hindi po sa lahat ng bagay, puso ang una nating paiiralin. “
“Pinag-iingat natin ang mga kababayan natin dahil may mga masasamang-loob na patuloy na mananamantala kahit na alam nilang labag sa batas ang ginagawa nila.” dagdag niya.
Ayon kay Tiangco napag-alaman sa isang pag-aaral ng isang global information and insights company na 18 porsiyento ng mga sinusupetsang digital fraud schemes tulad ng online forums at dating sites ay nanggagaling sa Pilipinas.
"Nakakalungkot dahil marami pa ring nabibiktima ang ganitong modus na pinagsasamantalahan ang damdamin ng ating mga kababayan," sinabi ni Tiangco.
Paliwanag niya: .“Scammers target even the most personal and basic aspirations of people – to be loved and be in a committed relationship. Let us protect Filipinos from the financial, emotional, and psychological damage these scams cause.”
Ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), ang mga love scams ay nagsasamantala ng biktima sa pamamagitan ng paggawa ng “fake identities” at pinilit kinukuha ang tiwala ng target.
Ang mga damdamin ng mga biktima ang target ng pagsasamantala sapagkat pinaiibig sila ng mga scammers bago tuluyang kikiln ng pera o lokohin upang magbigay ng pera ang mga inosenteng biktima.
"Huwag po tayong ma-fall sa ganitong modus. Iwasan po nating maging marupok at huwag basta-basta ibigay ang tiwala," Tiangco said.
Sinabi ni Tiangco na kung makaranas o makaharap sila ng mga ganitong modus operandi sa internet, dapat silang tumawag at makipag-ugnayan sa anti-scam hot line 1326.
