TRUTH VERIFIER
Nagpapakalat ng 'fake news' tungkol kay PBBM kakasuhan
%20(19).jpeg)
Photo attachment: images (1).jpeg
PBBM nag-jogging at 'jumping jack' upang ipakitang wala siyang sakit. (Larawan mula sa Facebook)
4/17/26, 8:00 AM
Ni Tracy Cabrera
MALAKANYAN, Maynila — Nagbabala ang Malakanyan na sasampahan ng kaso ang sinumang at maging 'malalaking personalidad' na matutukoy na nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr.
Ito ang babala ni Presidential Communications Office (PCO) undersecretary at Palace press officer Clarissa 'Claire' Castro-Seechung makaraang ihayag na nakahanda nang isumite sa Department of Justice (DoJ) ang mga dokumento laban sa mga umano’y 'fake news peddler'.
Ayon sa opisyal, kapag naisumite na ang mga ito, saka na lang ipapaalam sa Malacañan Press Corps at media ang listahan ng mga sangkot.
Nauna nang dumulog sa DoJ si acting PCO secretary Dave Gomez upang ireklamo ang isang social media page na nagpapakalat umano ng maling impormasyon, partikular na sa health condition ng ating mahal na Pangulo.
Pinatutukan ni Gomez ang socmed page na 'Malasakit News Pilipinas' upang matukoy ang mga administrator nito.
Binigyang-diin ng Palasyo na hindi nila palalampasin ang pagpapakalat ng mapanirang impormasyon laban sa Pangulo at sa Unang Pamilya. Nagpaalala ito na mananagot sa batas ang sinumang indibiduwal o grupo na mapapatunayang nasa likod ng mga fake news.
Samantala, ipapaubaya umano ng Palasyo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa umano’y planong pagpapatalsik o pagpaslang kay Pangulong Marcos Jr.
Ito'y may kaugnayan sa rebelasyon ng sell-confessed Duterte bagman na si Ramil Madriaga laban kay dating Pangulong Rodrigo 'Rody' Duterte.
Ayon kay Use. Castro-Seechung, mandato ng NBI na imbestigahan ang ganitong mga uri ng banta kaya’t hindi na kinakailangan pang direktang iutos ito ng punong ehekutibo.
Dagdag pa nito, aalamin pa ng Malakanyan ang buong katotohanan sa alegasyon habang inaming wala siyang personal na kaalaman tungkol dito at ganoon din naman ang Pangulo.
