

TRUTH VERIFIER
Mga pre-registered SIM binebenta pa rin sa FB

3/6/25, 9:17 AM
Ni Tracy Cabrera
INTRAMUROS, Maynila — Nababahala ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa patuloy pa pagbebenta ng mga pre-registered subscriber identity module (SIM) card sa Facebook Marketplace na maaaring bilhin at gamitin para sa mga ilegal na aktibidad, tulad ng mga love scam at iligal na lending app.
Ito ang napuna ni PAOCC executive director Gilbert Cruz na nagsabing “nakikita (niya) doon sa (online selling) ang mga pre-registered cards na for sale. Minsan nakalagay din na used SIM cards for sale."
"Siguro (kailangang) dagdagan pa natin ng safety nets iyong pagre-register ng mga SIM card. Dapat every card may accountable person. Hindi po puwedeng ibenta ito ng bultuhan,” pinunto ni Cruz.
Taong 2022 nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. ang Republic Act (RA) 11934 o ang SIM Registration Act upang maging ganap na batas. Layon nito na tapusin ang krimen may kaugnayan sa online at cyberspace, gaya ng text at online scams sa pamamagitan ng pagkakaroon ng regulasyon sa pagbebenta at paggamit ng mga SIM at rehistrasyon din ng end-users.
Sinabi naman ni Palace Press Officer undersecretary Claire Castro na may pangangailangan na amyendahan ang SIM Card Registration Act at makabubuti kung iparerehistro ang mga SIM cards ng 'personal'.
