

TRUTH VERIFIER
Kilos laban sa digital fraud: 11 scam hubs ipinasara; 10.8-M numero deactivated
.jpg)
Photo from softlock.net
11/20/24, 5:10 AM
Labing isang scam hubs ang ipina-padlock ng Department of Information and Communications Technology (DICT) habang higit pang pina-iigting ang krusada laban sa mga mapanlinlang na digital operations sa bansa.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian pinangunahan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center ang pag-raid sa 11 scam hubs dahil sa paglabag sa mga batas ng Pilipinas. Ilan sa mga ito ay legal ang operasyon matapos na bigyan ng permit ng kinauukulang local government units at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Kasama sa pag-raid ng mga nasabing hubs ang mga operatiba ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation.
Bilang sponsor sa budget deliberations sa Senado, si Gatchalian ang dumepensa ng badyet DICT.
Ipinaliwanag ng senador na ang mga kilos laban sa mga scam hubs ay natunton ng mga tech experts ng DICT sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya at tulong ng publiko.
“As for the methodology, the department is requesting an executive session for what type of technology that they are using in particular. But they have the technology to detect,” ayon sa senador.
Ayon kay Gatchalian lumalakas na ang laban ng pamahalaan upang masawata ang mga text scams.
Umabot na sa 2.2 bilyon fake at fraudulent SMS ang naharang ng DICT habang 2.3 milyon nang SIM cards ang na-deactivate.
May 10.8 milyon numero ng telepono ang blacklisted, ayon sa impormasyon mula sa National Telecommunications Commission.
