

TRUTH VERIFIER
Insidente ng AI-generated scams patuloy na tumataas, publiko maging alerto

Photo from FOX 10 Phoenix
6/23/25, 6:50 AM
Nagbabala sa publiko ang House Committee on Information and Communications Technology na pag-ibayuhin ang pag-iingat sa tumataas na insidente ng financial at purchase scams na gumagamit ng artificial intelligence (AI).
Sa isang pahayag, sinabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco, tagapangulo ng nasabing komite, na dahil sa pagtaas ng antas ng AI technology higit nang kapani-paniwala ang mga scams o panloloko sa internet na gumagamit nito.
"Nakakalungkot dahil habang umaangat ang ating teknolohiya, nagiging high tech na rin ang mga scammers," sinabi ni Tiangco
Ayon kay Tiangco nagiging laganap na ang mga insidente kung saan gumagamit ng pekeng transaction slips ang mga scammers upang manloko sa mga indibidwal at mga negosyante.
“Paalala po sa ating mga kababayan, pati na rin sa mga negosyo, huwag basta-basta maniwala sa ipinapakitang resibo ng transaksyon. Mag-double check, mag-validate, dahil kayang-kaya na ngayong gumawa ng pekeng slip gamit ang AI,” he warned.
"Lagi pong mag-ingat at maging mapagmatyag dahil talamak na ang paggamit ng AI para makapanlamang sa kapwa," dagdag pa ng kongresista.
Bukod sa financial scams, ang AI-generated videos at images ay ginagamit na rin ng mga sindikato sa kani-kanilang bogus romance at investment operations.
“May mga scam ngayon kung saan may ka-video call ka pa. Akala mo totoo ang kausap mo, pero AI-generated na pala ang mukha at boses.”
“Nakakatakot dahil napakadali nang manlinlang ngayon. Ginagamit pa ang mukha ng mga kilalang tao para manlinlang ng iba. Kaya tandaan natin, kung sobrang ganda ng offer, malamang scam na ‘yan,” ayon kay Tiangco
Dinulog ng opisyal ng Mababang Kapulungan sa mga ahensya ng gobyerno at kapulisan na kailangan na ng agarang aksyon upang mapigil ang mga scams sa cyberspace.
“Itigil na po ang ganitong mga gawain dahil sa oras na mahuli kayo ng kinauukulan, maaari kayong sampahan ng kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act, pati na ang Anti-Financial Scamming Act na magdudulot ng 12 hanggang 20 taon na pagkakakulong," diin niya.
Nanawagan din siya ng malawakang public awareness and information dissemination upang imulat ang mga mamamayan sa mga modus operandi ng mga scammers.
