

TRUTH VERIFIER
Identity theft: Bakit mapanganib at paano maiiwasan?

Photo from hearyeexpress.com
1/21/24, 8:50 AM
Ni MJ Blancaflor
Naglipana sa internet ang mga krimen na maaaring makapinsala sa ating trabaho, negosyo o reputasyon. Kabilang na rito ang identity theft o "pagnanakaw ng pagkakakilanlan."
Nagiging posible ang identity theft kapag nagkakaroon ng hindi awtorisadong access ang ibang tao sa iyong personal na impormasyon. Mapanganib ito dahil nagdudulot ito ng mga sumusunod:
1. Pagkabangkarote
Madalas na nauuwi sa pagkabankarote ang identity theft. Kapag nakuha ng mga magnanakaw ang personal na detalye ng isang tao, maaari nila itong gamitin sa pangungutang, pagbubukas ng bagong credit line o pag-access sa bank account nito.
2. Pagkakadawit sa krimen
Sakit sa ulo ang aabutin ng biktima ng identity theft kung ginamit ang kanyang pagkakakilanlan sa paggawa ng krimen tulad ng scam o pagnanakaw.
3. Pagkawala ng oportunidad sa trabaho
Madalas na isinasagawa ng mga employer ang pagsusuri ng pagkakakilanlan ng mga nag-a-apply sa kanila. Ang negatibong credit score ng nabiktima ng identity theft ay pwedeng makaapekto sa oportunidad sa trabaho, lalo na sa mga posisyon kung saan ang pananagutan sa pananalapi ay isinasaalang-alang.
4. Pagkabalisa
Maaaring mahirapan ang mga biktima sa pagpapanumbalik ng kanyang reputasyon o sa pagbawi ng ninakaw na halaga kaya di maiiwasang makaramdam sila ng stress o pagkabagabag.
Isang seryosong banta ang identity theft, ngunit pwede itong maiwasan. Narito ang ilang hakbang:
1. Mag-ingat sa online transactions
Maging maingat sa mga email, mensahe, o phone calls na humihingi ng personal na impormasyon. Mas mabuting makipag-ugnayan sa respetadong institusyon upang matiyak ang kredibilidad nito.
2. Palakasin ang online security
Gumamit ng matatag at natatanging password na hindi madaling mahulaan. Iwasang gawing password ang iyong pangalan, birthdays o anibersaryo.
3. Iwasang kumonek sa public Wi-fi
Iwasan ang pag-access sa sensitibong mga account o online transactions habang naka-connect sa public Wi-Fi networks. Mas mabuting gumamit na lamang ng mobile data kapag nag-aaccess ng internet sa mga pampublikong lugar.
4. Bantayan ang financial statements
Regular na suriin ang iyong mga bank at credit card statements at maging alerto sa mga hindi awtorisadong transaksyon. Agarang isumbong ang kahina-hinalang bank activities.
5. Proteksyunan ang mga dokumento
Itago ang mahahalagang dokumento tulad ng pasaporte, social security cards, at financial statements at siguruhing ang iyong mga digital na dokumento ay encrypted at naka-store sa ligtas at password-protected na storage devices o platforms.
6. Wag ibigay ang sensitibong impormasyon
Wag ibigay ang mga sensitibong impormasyon tulad ng pangalan, address, o financial details. Kung kinakailangang itapon ang mga dokumento na naglalaman ng personal na impormasyon, punitin nang mabuti ang mga ito upang hindi na magamit sa krimen.
