

TRUTH VERIFIER
Comelec: Mga kandidato magkakaproblema kung hindi magpaparehistro ng social media account

Photo from rappler.com
10/22/24, 9:39 AM
Umabot sa 62 lamang sa 44,000 na indibidwal na kandidato at 156 patylist groups ang nagparehistro na ng kanilang social media accounts para sa darating na 2025 may elections.
Ito ay napag-alaman kay Comelec Chairman George Erwin Garcia na nanawagan sa lahat ng kandidato na iparehistro ang kanilang mga social media accounts kung gagamit in ito sa pangangampanya.
Sa Comelec resolution ukol sa paggamit ng social media accounts, pages, websites, podcasts, blogs, vlogs at iba pang mga online platforms, lahat ng kandidato ay dapat magparehistro hanggang Disyembre 13 ng kanilang mga account na gagamitin.
Ayon kay Garcia bagamat kulang ang Comelec ng tauhan na magmamaman laban sa mga hindi tamang pangangampanya gamit ang social media, umaasa naman siya na kikilos ang mga social media platform managers sa poll body.
“Kung talagang hindi nagbabalak ang mga kandidato na gumawa ng mga labag sa alituntunin ng pangangampanya at halalan, iparehistro dapat ang kanilang social media accounts,” sinabi ni Garcia.
Ipinaliwanag niya na mahalaga ang pag-rehistro para ma-monitor ng Comelec ang mga ginastos at mga kilos ng kandidato na gagamit sa social media campaign strategy.
Sinabi ng Comelec official na nakapangako na rin ng tulong ang mga social media platforms na tulad ng Meta, X, Instagram at Facebook sa pag-monitor.
Ipapa-takedown umano ng mga ito at sususpendihin ang mga account ng anumang partido na lalabag sa iinuutos ng Comelec na malinis na pangangampaya.
Inaasahan magiging ‘battleground’ ng kampanya ang social media na maaaring makatulong o makasira sa mga kandidato.
Mahigpit na ipinagbabawal sa regulasyon ang fake news o misleading information na maaaring magamit upang pabagsakin ang mga kandidato.
