

TRUTH VERIFIER
38 sa 41 vloggers absent sa Lower House hearing; show cause order ipinalabas

Photo from philstar.com
2/4/25, 7:51 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
Nagpalabas ang Mababang Kapulungan ng show cause orders laban 38 sa 41 inimbitahang vloggers na hindi sumipot sa unang araw ng imbestigasyon na isinasagawa ng tatlong legislative committees sa umanoy fake news and disinformation na kumakalat sa social media.
Marami sa mga absent ang nagpadala ng liham na naglalaman ng sari-saring mga dahilan ng hindi pagsipot sa hearing nitong Martes (Pebrero 4).
Hindi ito nagustuhan ng mga kongresista na bumubuo ng mga Committees on Public Order and Safety, Public Information at Information and Communicaitons Technology. Nagpasya ang tatlong komite na ipilit sa mga absent ang pagsipot nila sa susunod na hearing.
Tatlo lamang - sina Malou Tiquia, Mark Louie Gamboa at Enzo Recto na kilala bilang Atty. Rico Tomotorgo - ang sumipot sa pagdinig.
Sina dating Press Secretary Trixie Cruz-Angeles; retiradong artistang Vivian Velez at dating Asst. secretary Lorraine Marie Badoy ang mga kilalang personalidad na hindi nagpakita.
Sa line-up ng mga kinumbida, agad mapapansin na mga umanong kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang karamihan sa kanila.
Tahasang tinanggihan ni Cruz-Angeles na isang abogado ang imbitasyon na umanoy labag sa karapatan niya sa ilalim ng Konstitusyon.
Agad naman nagbabala si Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano na ipa-aaral niya ang kaso ng dating Cabinet member para sa posibleng disbarment.
Hiniling din ni Paduano na padalhan ng show cause order ang mga hindi nagpakita. Kasama sa mga ito ang mga vlogger na sina Mark Anthony Lopez, Jun Abines Jr., Dr. Richard Tesoro Mata, Aaron Peña, Ethel Pineda, Krizette Laureta Chu at Suzanne (IamShanwein) Batalla.
Pinaparatangan ng mga mambabatas ang ilan sa mga vlogger ng pagpapakalat ng mga “fake news” at umanoy mga personal na pag-atake sa kanila.
Sa hearing, naglabas ng mga personal na reklamo ang mga mambabatas. Inakusahan nila ang ilan vlogger ng hindi makatarungan kritisismo na karamihan ay base sa mga mali at gawa-gawa lamang na impormasyon.
“Nagkakalat sila ng disimpormasyon at ginagamit nila sa maling paraan ang social media. Hindi lamang makatarungan ito sa mga sinisiraan nila, nilalason pa ng ilan sa kanila ang isipan ng mga tao gamit ang fake news,”ayon kay Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez.
Naging tampulan ng batikos ang maraming mambabatas nang magsagawa ang Kamara ng Quadcom hearings noong nakaraang taon.
Inakusahan ng ilan sa mga vlogger ang mga kongresista na hinaluan nila ng pulitika ang Quadcom hearings sapagkat nakatuon ang legislative inquiry sa pamilya ni Bise Presidente Sara Duterte.
