

TRUTH VERIFIER
“Fake news” sa manahan ipinakalat sa gitna ng pagluluksa ng pamilya ni Gloria Romero

1/30/25, 4:59 AM
Ni Samantha Faith Flores
Sa gitna ng pagluluksa ng pamilya ng pumanaw na Queen of Philippine Cinema Gloria Romero, naglitawan ang mga manloloko sa social media at nagpakalat ng fake news tungkol last will and testament ng batikang aktres.
Bago pa man ma-cremate ang mga labi ng 91-anyos na beteranang aktres, naglipana na sa social media ang mga art cards at online posts ng umano’y PHP700 milyon na ipinamana ni Gloria.
Na-cremate ang mga labi ni Romero matapos ang necrological mass na ginanap sa Arlington Memorial Chapel nitong Miyerkules (Enero 29).
Bagamat tigib pa rin ng kalungkutan, ipinahayag ng mga malalapit na miyembro ng pamilya ng aktres na ang umanoy hatian sa mana na kumalat sa social media ay hindi totoo.
Upang magmukhang totoo, inilagay sa post ng mga bogus artists na naglaan si Gloria ng bahagi ng kanyang naiwang yaman para sa ipagpagawa ng gusali para sa provincial high school sa Pangasinan.
Kilala si Gloria bilang isang Pangasinense at naririnig na madalas itong magsalita sa kanilang lengwahe sa mga palabas.
Ngunit sa mga social media post na ipinakalat na rin ng mga nagpaloko sa internet, tila ipinakita pa ng lumikha ng fake news na hindi masyadong malapit si Gloria sa kanyang anak at apo na pinamanahan lamang ng tig-15 porsiyento ng umanong kabuuang yaman niya.
Umapela si Maritess Gutierrez, nag-iisang anak ni Romero, na pagbigyan na muna silang magluksa sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
Maraming mga kaibigan ng aktres, kasama sina Amy Perez at manunulat na si Butch Francisco, ang nakiusap sa mga manloloko sa internet na tigilan na ang pagpapakalat ng bogus na balita.
