

TRUTH VERIFIER
“Fake news” inalmahan ni Cong. Zaldy Co: Itinaggi ang kaugnayan sa ICC

Photo from abante.com.ph
3/13/25, 4:43 AM
Ni Samantha Faith Flores
Mariing pinabulaanan ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na siya ang may-ari ng private jet na nagdala kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Netherlands kung saan ito lilitisin sa kasong crimes against humanity.
Isang fake news, ayon kay Co, ang ibinalita sa ilang news outlet ang balitang inuugnay ang mambabatas sa pagdakip kay Duterte sa pamamagitan ng warrant of arrest na ipinalabas ng International Criminal Court noong Martes.
Idiniin ng dating chairman ng House Committee on Appropriations na hindi siya nagpunta sa The Hague, Netherlands. Hindi rin niya pag-aari ang RP-C5219 Gulfstream G550 aircraft na nagdala kay Duterte sa Netherlands.
“Social media posts linking me to this aircraft are completely untrue. News website Politikohas reported that the flight was scheduled and arranged by Challenger Aero Corporation,” paliwanag ni Co.
Hindi na sinabi ni Co kung mayroon nga siyang eroplano o kung kakilala niya ang nagmamay-ari ng nasabing jet na rehistrado sa Pilipinas.
Kinondena niya ang mga taong nasalikod ng pagpapakalat ng “fake news” at sinabing kasama sa mga tina-target ng maling balita ang kanyang mga kasamahan sa Mababang Kapulungan.
“I urge the public and the media to exercise discernment, verify information with the appropriate authorities and practice responsible reporting to prevent the spread of misinformation,” dagdag ni Co.
