

HEADLINES
VP Sara di raw laging sang-ayon kay dating Pang. Duterte, mga kapatid

2/2/24, 2:50 AM
Ni MJ Blancaflor
Tila dumistansya si Vice President Sara Duterte sa mga birada at paratang nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Baste Duterte kay Pangulong Bongbong Marcos.
Naglabas ng pahayag si VP Sara Miyerkules ng gabi, Enero 31, upang linawin na hindi raw siya laging sumasang-ayon sa mga pananaw ng kanyang ama at mga kapatid bagamat inirerespeto niya raw ang mga ito.
Ito ay matapos bansagan ng nakatatandang Duterte na "bangag" at "adik" ang Punong Ehekutibo at nagbabala pa na maaaring sapitin nito ang kapalaran ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na napatalsik sa Palasyo. Sa kabilang dako, hinamon ni Mayor Baste si Marcos na magbitiw sa pwesto kung wala na itong pagmamahal sa bansa at tinawag pa itong "tamad."
"May respeto ako sa mga pananaw at opinyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte pati na ng aking mga kapatid," sabi ni VP Sara.
"Ngunit, katulad ng posisyon ko sa maraming isyu, hindi kailangan na sumasang-ayon ako sa lahat ng mga ito. Pinalaki ako ng aking mga magulang na may pagpapahalaga sa malayang pag-iisip at pagpapasya," dagdag pa niya.
Inihayag din niyang tapat siya sa bansa.
Bukod dito, nagpasalamat din siya kay PBBM sa patuloy na tiwala at kumpyansa bilang Bise Presidente at myembro ng Gabinete bilang Education Secretary.
"Nagpapasalamat din ako kay Apo BBM sa kanyang paggalang sa aking mga paninindigan, katulad na lang ng aking pagtutol sa 'Pera kapalit ang pirma sa People's Initiative' dahil insulto ito sa kahirapan ng ating mga mamamayan at paglabag sa kanilang karapatang magpasya ng malaya," sabi ni VP.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na hindi pa rin nabubuwag ang samahan nila ni VP Sara sa kabila ng mga maaanghang na salitang binitiwan nina dating Pangulong Duterte at Mayor Baste laban sa kanya.
Itinalaga pa nga ni Marcos ang Bise Presidente bilang tagapangalaga ng Executive Department habang siya ay nasa Vietnam para sa isang state visit.
Magka-tandem sina PBBM at VP Sara noong 2022 elections.
Ngunit tila lumaki ang hidwaan sa pagitan ng pamilya Marcos at Duterte sa gitna ng kontrobersya sa diumano'y suhulan para makuha ang suporta ng publiko sa pag-aamyenda ng Saligang Batas.
Ani dating Pangulong Duterte, itinutulak lang umano ito para magtagal sa kapangyarihan ang administrasyong Marcos at maibalik ang parliamentary system na gobyerno.
Mariing tinutulan ng dating pangulo ang People's Initiative para maisulong ang Charter Change, at pinalutang pa ang ideyang humiwalay na lang ang Mindanao sa republika.