

HEADLINES
Travel goals: 89-anyos na babae patuloy pa rin sa pagta-travel nang mag-isa

3/26/24, 12:09 PM
Ni MJ Blancaflor
Isang 89-anyos na babae ang kinilala sa kanyang patuloy na paglalakbay sa mundo nang mag-isa sa kabila ng kanyang edad.
Ginawaran nito lamang Marso ang Scottish-born citizen na si Joy Fox ng JourneyWoman, isang global organization na humihikayat sa mga kababaihan edad 50 pataas na maglakbay, ng Evelyn Hannon Award for Solo Travel.
Ayon sa JourneyWoman, nagsimula si Joy na maglakbay noong siya ay 20-anyos pa lamang matapos ipagbili ang engagement ring na bigay sa kanya ng dating kasintahan.
Mula England, kung saan naninirahan noon si Joy kasama ang kanyang pamilya, sumakay siya ng tren patungong France, Switzerland, at Italy.
"While that trip didn’t turn out as expected, it instilled in her the confidence to travel solo — she’s never looked back since," ayon sa JourneyWoman.
Matapos ang ilang taon, ikinasal si Joy sa isang Briton at lumipat ang kanyang pamilya mula England patungong Vancouver, Canada.
Mahilig din daw mag-travel at mag-camping ang asawa niyang si Mike kaya naglibot din daw sila sa Estados Unidos kasama ang tatlo nilang anak.
Nang lumaki na ang kanyang mga anak at nang pumanaw ang kanyang asawa dahil sa Parkinson's noong 2015, bumalik si Joy sa pagso-solo travel.
Ilan sa mga di niya malilimutang byahe ay sa Monaco, Australia, New Zealand, at the Cook Islands.
Noong nagdiwang siya ng kanyang ika-65 kaarawan, bumalik si Joy sa kanyang lupang sinilangan, Scotland, upang i-retrace ang kanyang naging buhay bago sila mag-relocate ng kanyang pamilya sa England.
Para sa kanyang ika-84 kaarawan, binisita naman ni Joy ang Norway upang makita ang Aurora Borealis o Northern Lights. Ikinamangha niya raw ang kanyang nasaksihan.
"I’m never lonely when I travel solo," sabi ni Joy. "I talk, smile, and ask questions. I think there is great freedom in being a solo traveller and I plan to keep going and see everything."
Kung may maipapayo siya sa kabataan, ito ay maging curious sa kultura at wika ng ibang bansa. "Learn about the world around you, study a language – no goofing off, stick with it. Travel whenever you can," sabi ni Joy.