

HEADLINES
Sen. Imee, Rep. Camille Villar sisibakin na bilang Alyansa candidates ni PBBM?

3/22/25, 11:48 AM
Walang katotohanan ang intrigang sisibakin na sa senatorial lineup ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas sina Senadora Imee Marcos at Las Piñas City Rep. Camille Villar.
Ito ang nilinaw ni Rep. Toby Tiangco, Alyansa campaign manager, sa isang pulong balitaan na ginanap nitong Sabado (Marso 22) sa Sta. Rosa, Laguna.
Naging usap-usapan ang pagtanggal sa dalawang senatorial candidates matapos na mai-ugnay sina Marcos at Villar bilang mga kaalyado ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang Alyansa ay grupong itinayo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na dating kaalyado ngunit naging kalaban na ng mga Duterte, kasama si Vice President Sara Duterte.
Matatandaang ang pangulo ang naging tulay upang madakip ng International Criminal Court si Duterte noong Marso 11.
Ang pag-aresto sa pamamagitan ng ICC warrant of arrest ay naiskatuparan ilang araw lang matapos na tumindi ang awayan nina Marcos at VP Sara.
Ang dalawang lider ay dating magkasangga sa Team Unity nang pumayag si VP Sara na tumakbo bilang bise presidente ni Marcos.
Sina Sen. Marcos at Villar ay parehong kasapi ng Nacionalista Party na pinamumunuan ng pamilya ng kongresista.
“With regard to that question, I cannot answer that question for them,”paliwanag ni Tiangco nang tanungin sa press conference.
Ayon sa kanya makabubuting itanong na lamang ng mga reporter kina Imee at Villar ang kanilang nais malaman.
Kamakailan lamang ay nagpatawag ng Senate inquiry si Sen. Marcos bilang pinuno ng Committee on Foreign Affairs upang alamin ang mga pangyayari sa pagdakip kay Duterte.
Sinita ng mga senador ang mga opisyal ng Marcos government na may kinalaman sa pag-aresto at pagdala sa dating pangulo sa The Hague.
Sina dating Senate President Manny Villar at Sen. Mark Villa. ama at kapatid ni Rep. Villar,,naman ay nagpalabas ng mga mensahe ng suporta kay Duterte.