

HEADLINES
Roque, Ong kinasuhan ng human trafficking ng DOJ

4/29/25, 7:21 AM
Ni Samantha Faith Flores
Nadagdagan na naman ang dahilan kung bakit maaaring hindi na bumalik sa Pilipinas si dating Malacañang spokesperson Harry Roque.
Si Roque, kasama si Cassandra Ong, ay ipinagharap ng kasong qualified trafficking matapos na makakuha umano ng matibay na ebidensya ang Department of Justice na sila ay sangkot sa ilegal na operasyon ng POGO hub sa Porac, Pampanga.
Sa panayam ni DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty sa mga reporters, sinabi nito na matibay ang kanilang paniniwala na ang Whirlwind Corporation, kung saan kasosyo umano si Roque at Ong, at ang Lucky South 99 ay iisa lamang na business entity.
Bukod kina Roque at Ong, sinampahan din ng katulad na kaso sina Duanren Wu at Dennis Cunanan.
Ayon kay Ty ang apat ay nahaharap sa kasong Trafficking in Persons Act.
Bagamat batid ng DOJ na umaktong abogado si Roque para sa Whirlwind, may ebidensya na ito ay may kinalaman din sa Lucky South 99 na operator ng POGO hub sa Porac.
Padadalhan ng notice ang pamahalaan ng Netherlands tungkol sa kasong kinakaharap ni Roque.
Matatandaan humihingi si Roque ng political asylum sa Netherlands.
Sinabi naman ng kampo ni Roque na ang aksyon ng DOJ ay isasama ng dating ehekutibo sa kanyang asylum petition.
Kukumbinsihin umano ni Roque na ang bagong sampang kasong kriminal laban sa kanya ay isang panggigipit sa kanya dahil sa makasalungat na paniniwala niya sa sa pulitika laban sa Marcos administration.