

HEADLINES
Romualdez hindi ininda ang manipesto ng 24 na senador laban sa Chacha

1/24/24, 3:10 PM
Sa harap ng kabi-kabilang akusasyon ng panunuhol upang mailusot ang People’s Initiative, nanindigan si Speaker Martin Romualdez na walang kinalaman ang liderato ng Kamara ukol sa mga paratang.
Sa isang manipesto, inayawan ng mga senador ng bansa ang PI bilang paraan sa pag-amyenda ng 1987 Saligang Batas matapos na mabatid ng mga ito na ginamitan ng suhol ang pagpapapirma ng petisyon para sa PI.
Iginiit ni Romualdez ang pagiging inosente ng mga kongresista sa akuisasyon ng panunuhol at idiniin nito na ang Chacha ay hindi laan para sa mga pulitiko.
“Itong Cha-cha, ito ay para sa PIlipino. Hindi para sa kongresista, hindi para sa presidente, hindi para sa Senado,” ayon kay Romualdez.
Ngunit ang pagtangging ito ay tila hindi pinapakinggan ng maraming senador na patuloy na nagdududa sa tunay na layunin ng Charter change.
Ayon sa mga political observers ito ay sanhi ng pagiging agresibo ng maraming kongresistang kaalyado ni Romualdez sa pagkalap ng mga pirma ng kanilang constituents.
Noong Martes, pinirmahan ng 24 na senador ang umanoy “sinister and underhanded attempt to change the Constitution by exploiting our democratic process under the guise of people’s initiative.”
Kahapon naman, nagbabala si Senate Minority Leader Aquilino “Nene” Pimentel III na maaring sumabit sa kasuhang legal ang mga opisyal ng Comelec sakaling palusutin ng mga ito ang PI na may lamang mga pekeng pirma o pinirmahan ng mga nasuhulan.
Habang lumalaki na ang hindi pagkakasundo ng Senado at Kamara, nanawagan naman si Albay Rep. Edcel Lagman na pakialaman na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang lumalalang away.
“The brouhaha on charter change has pushed the Senate and the House of Representatives into a confrontation which is divisive and disruptive,” babala ni Lagman.
.”President Ferdinand Marcos, Jr. must broker a solution to diffuse the impending impasse in order that the executive and legislative departments can truly focus on the overriding crises in the economy, food security, escalating prices of basic commodities, miseducation, ballooning debt stock and debt servicing, and the continuing aggression of China in the West Philippine Sea,” paliwanag niya.