

HEADLINES
Pulis na nakapatay ng 70-anyos na lalaki nahaharap sa US$50M kaso

3/5/24, 1:10 PM
Ni MJ Blancaflor
Nahaharap ngayon sa US$50 milyong federal lawsuit ang isang Amerikanong police officer na nanuntok at nakapatay sa isang 70-anyos na lolo sa Detroit, Michigan sa Estados Unidos.
Nagsampa ang demanda ang pamilya ng biktimang si Daryl Vance sa suspek at nasibak ng police officer na si Juwan Brown noong nakaraang linggo para sa umano'y civil rights violation.
Idinemanda rin nila ang lungsod ng Detroit at si Detroit Police Sgt. Jarmiare McEntire, ayon sa ulat ng The Detroit News.
Ayon sa prosecutors, napatay ni Brown si Vance matapos niyang suntukin ang biktima sa mukha matapos ang komprontasyon sa labas ng isang bowling alley noong Setyembre 1, 2023.
Bumagsak si Vance sa lupa at nabagok ang ulo nito.
Naisugod pa siya sa ospital, pero namatay rin matapos ang tatlong linggo dahil sa blunt force trauma sa kanyang ulo.
Ayon sa mga abogado, nalabag daw ang civil rights ni Vance isang araw matapos ang insidente dahil nagsagawa si McEntire ng ilegal at "warrantless search" sa apartment ng biktima.
Humihingi ng US$50 milyong danyos ang pamilya ni Vance.
Nauna na silang nagsampa ng kasong manslaughter kay Brown pero na-dismiss ito sa korte nitong Enero dahil umano sa kakulangan ng ebidensya.
Inaapela pa ng pamilya ni Vance ang naunang desisyon ng korte.
"Police brutality has no place in our society. What former Officer Brown did to Mr. Vance was nothing short of reckless and malicious police brutality," ani James Harrington, isa sa mga abogadong nagsampa ng kaso.